Hindi na kailangan pa ng senior citizens na umabot pa ng 100 taon upang makatanggap ng cash incentive mula sa pamahalaan.
Ito'y sa sandaling tuluyan nang lumusot sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas ni Manila 6th District Congressman Benny Abante, Jr. na nagsusulong na sa edad na 70-anyos pa lamang ay mabigyan na ng cash reward mula sa gobyerno ang mga senior citizen.
Sa ‘Balitaan sa Harbor View’ ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) nitong Biyernes, sinabi ni Abante na sa ilalim ng kanyang panukala, ibinaba niya sa 70-taong gulang ang edad ng senior citizen na mapapabilang sa tatanggap ng cash incentives.
Nabatid na ang halaga ng tatanggaping insentibo ay depende kung ilang taon na ang senior citizen.
Kapag ang senior ay umabot ng 70-anyos siya ay tatanggap ng P70,000; P80,000 naman kung 80-anyos; at P90,000 kung 90-anyos.
Sa pag-abot aniya nito ng kanyang ika-101-taon, maaari itong tumanggap ng tumataginting na P1 milyong cash incentives.
Matatandaan na sa kasalukuyan ay kailangan pang umabot ng 100-anyos ng isang senior citizen bago tumanggap ng P100,000 sa gobyerno.
Sabi ni Abante, “Kasi ‘yung P100,000 parang ayaw pang ibigay eh. Ilan ba dito ang inaabot ng 101 years old?’
Anang mambabatas, kung maipapasa ang kanyang panukala ay mas ma-e-enjoy at mapapakinabangan pa ng mga seniors ang kanilang insentibo.
“Pag umabot ng abot 70 years old, bigyan ng 70,000. Pag 80 years old, 80,000. Pag 90 years old, 90,000. I believe our senior citizens ought to be rewarded for what they did for the nation and their family in the past. This is not subsidy or ayuda kundi a reward for them,” saad pa ni Abante.
“Dapat ibigay na natin ‘yung regalo sa mga senior cidtizens at di na kailangan pang umabot sila sa 100 years old,” giit pa niya.
Para naman mapabilang sa qualified na seniors na tatanggap ng cash reward, sinabi ni Abante na kailangan lang ipakita ng senior citizen ang ID card na mula sa Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), ang tanging tanggapan na sa ilalim ng batas ay awtorisadong mag-issue ng identification cards sa kanilang nasasakupan.
Bilang kanyang adbokasiya, sinabi ni Abante na ang pangunahin niyang tinataguyod ay ang kapakanan ng mga senior citizens at persons with disability.
Itinutulak din ni Abante ang pag-alis ng value added tax sa mga motoristang senior citizens kapag sila ay nagpapagasolina gayundin kung sila ay nagbabayad ng renta kung nangungupahan.