19th Asian Games: Hong Kong, nilampaso ng Gilas Women
19th Asian Games: Hong Kong, nilampaso ng Gilas Women
Tinambakan ng Gilas Pilipinas Women ang Hong Kong, 99-63, sa pagpapatuloy ng 19th Asian Games sa Shaoxing Olympic Sports Centre Gymnasium sa Zhejiang, China nitong Biyernes.
Bumandera si Janine Pontejos sa pagkapanalo ng National team sa nakuhang 23 points, tampok ang pitong tres.
Nagpakitang-gilas din si Afril Bernardino sa naibuslog 20 points, dagdag pa ang walong rebounds, anim na assists at tatlong steals at isang block sa 23 minutong paglalaro.
Sumuporta rin sina Khate Castillo na kumubra ng 17 points, tampok ang limang tres, at Jack Animam na nakapagtala ng double-double sa nakolektang 11 points at 18 rebounds.
Tumamlay ang mga manlalaro ni Gilas Women coach Pat Aquino sa unang bahagi ng laro.
Gayunman, naging agresibo ang mga ito sa second quarter at naitabla pa sa 30 ang laban matapos ang ratsada ni Louna Ozar.
Pinahirapan nina Pontejos at Bernardino ang Thailand na hindi na nakabawi sa fourth quarter.
Pinamunuan naman ni Tong Hiu Lui ang Thailand sa naisalpak na 15 points.
Makakaharap ng National squad ang Japan sa Linggo, taglay ang 2-0 record, matapos pataubin ang Kazakhstan nitong Biyernes.
Isang laro na lamang ang kailangan ng Gilas Women upang pamunuan ang Group B. Hawak din ng koponan ang 2-0 record.