Sinisimulan na ng Manila City government na ayusin ang mga sala-salabat na electric wires sa ilang lugar sa Maynila.

Tinawag na ‘Operation Urban Blight,’ layunin ng programa na burahin na sa lungsod ang masakit sa mata na mga sala-salabat na mga kable ng kuryente, na maaaring ding magdulot ng panganib, gaya ng mga sunog.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Ang operation na ito ay ating ginagawa kung saan tinatanggal natin ang napakaraming wires na sala-salabat na-o-overloaded wiring installations or 'yung tinatawag na 'spaghetti wirings," ayon kay Lacuna.

Sa ilalim ng nasabing operasyon, ire-rehabilitate din ng pamahalaang lungsod ang mga marurupok na mga poste, tatanggalin ang mga hindi na ginagamit at aayusin ang mga maaari pang pakinabangan.

Pinasalamatan din naman ni Lacuna ang Manila Electric Company (Meralco), gayundin sina City Engineer Armand Andres, Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles at ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pangunguna ni Zeny Viaje at adviser Dennis Viaje, dahil sa pagtulong sa operasyon, na sinimulan sa Binondo.

“Walang tigil ang ating pagsasaaayos ng mga kable sa ating lungsod. Wish ko sana, sa mga susunod na taon ay underground na lahat ng mga kable. Magastos, pero safe lalo na sa panahon ngayon," aniya pa.

Kaugnay nito, nanawagan din ang alkalde sa mga barangay na maging extra vigilant habang isinasagawa ng lokal na pamahalaan ang pagsasaayos sa mga spaghetti wirings.

Partikular na pinababantayan ng alkalde sa mga opisyal ng barangay ang mga kabataan, na napaulat na nanunungkit at namumutol ng mga kable sa kanilang lugar.

“Madaming report na ang mga kabaataan sinusungkit ang mga kable.  Please naman po, maawa kayo sa inyong mga lugar," pakiusap pa ng lady mayor.

Binigyang-diin ni Lacuna na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat upang magtipid ng pondo upang makapagbigat ng pinakamahusay na serbisyo para sa mga residente, kabilang na rito ang pagpapailaw sa mga madidilim na lugar upang matiyak na ligtas sila mula sa masasamang elemento.

"Tayo po ay nagsisikap maging masinop para maibigay ang tamang serbisyo sa inyo. 'Wag naman nating sayangin kasi ginagastuan natin 'yan.  Di lang ng lokal na pamahalaan kundi maging ng national government.  Sayang naman at madami tayong napeperwisyo," apela pa niya.