Nakumpirma kamakailan ang muling pagsiklab ng Nipah virus sa bansang India, kung saan dalawa na umano ang naitalang nasawi rito.
Tulad ng Ebola, Zika at Covid-19, isinama ng World Health Organization ang Nipah virus bilang isa sa ilang mga sakit na karapat-dapat gawing prayoridad sa pananaliksik dahil sa kanilang potensyal na magdulot ng isang pandaigdigang epidemya.
Kadalasan umanong nakukuha ang Nipah virus mula sa infected na mga hayop, tulad ng mga baboy at fruit bats, mga pagkaing kontaminado ng paniki, maging sa mga indibidwal na nahawaan ng virus.
Wala pa raw bakuna laban sa Nipah virus. Gayunpaman, may mga paraan para hindi mahawa at maimpeksyon nito.
Narito ang ilan sa mga dapat gawin para makaiwas sa Nipah virus, ayon sa World Health Organization:
Paano makaiiwas sa bat-to-human transmission?
- Iwasang makalapit ang mga paniki sa mga sariwang prutas o pagkain.
- Pakuluang mabuti ang date palm juice bago inumin.
- Hugasang mabuti ang mga prutas at balatan bago kainin.
- Itapon agad ang mga prutas na may senyales na nakagatan ng paniki.
Paano makaiiwas sa animal-to-human transmission?
- Palagiang magsuot ng guwantes at iba pang protective clothing habang hinahawakan ang mga maysakit na hayop o ang kanilang mga tisyu.
- Hangga't maaari, iwasan ang direct contact sa mga baboy na nahawaan ng virus.
- Sa mga endemic na lugar, kapag magtatayo ng babuyan, dapat isaalang-alang ang pagkakaroon ng fruit bats sa lugar. Palagian ding protektahan ang mga baboy sa mga paniki.
Paano makaiiwas sa human-to-human transmission?
- Iwasan ang paglapit o ang “close unprotected physical contact” sa isang taong nahawaan ng Nipah virus.
- Palagiang maghugas ng mga kamay pagkatapos ng pag-aalaga o pagbisita sa mga taong may sakit o nahawaan ng Nipah virus.
Ayon pa sa WHO, kapag nakaramdam ng mga sintomas ng Nipah virus, tulad ng lagnat, pagsusuka, respiratory infection, agad na kumonsulta sa doktor.