Magandang balita dahil simula sa Oktubre 1, 2023 ay daragdagan pa ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang mga naka-deploy na tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), gayundin ang bilang ng kanilang mga biyahe.

Ayon sa LRMC, ang pribadong kumpanya na nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, kasunod na rin ito nang pagdami na ng mga train commuters sa Metro Manila bunsod nang pagbalik na ng in-person classes sa iba’t ibang paaralan at unibersidad, na malapit sa mga istasyon ng LRT-1, gayundin din ang nalalapit na pagsapit ng panahon ng Kapaskuhan.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Sa expanded fleet, na binubuo ng hanggang maximum na 23 train sets na naka-deploy, isang bagong timetable ng tren ang nakatakdang ipatupad ng LRT-1 upang dagdagan ang bilang ng kanilang mga biyahe.

Nabatid na sa weekdays, ang kasalukuyang 410 biyahe ay magiging 460 biyahe na.

Samantala, sa weekends naman, ang kasalukuyang 293 biyahe ay magiging 331 na tuwing Sabado at 307 naman tuwing Linggo.

Sinabi ng LRMC na sa ngayon ay may kabuuang 7 Generation-4 na set ng tren ang tumatakbo sa pangunahing linya para sa komersyal na serbisyo.

Sa isang pahayag, sinabi ni LRMC Chief Operating Officer Rolando J. Paulino III na, “Our transport capacity will increase by almost 10% for weekday operations and about 20% on weekends. We at LRMC are continuously thinking of ways to better serve our passengers with increased capacity and shorter waiting time.”

Alinsunod naman sa pagsusumikap ng LRMC na paghusayin pa ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng patuloy na railway upgrade program, nabatid na magpapatupad rin sila ng adjusted LRT-1 operating hours tuwing weekends at holidays simula sa Oktubre 1.

Nabatid na sa weekends at holidays, ang unang tren nila ay nakatakdang umalis mula sa Baclaran at Fernando Poe Jr. stations ng alas-5:00 ng madaling araw habang ang huling biyahe naman mula sa Baclaran Station ay aalis ng alas-9:30 ng gabi, at ang last trip mula sa Fernando Poe Jr. Station ay aalis ng alas-9:45 ng gabi.

Anang LRMC, wala namang magaganap na pagbabago sa weekday schedule ng LRT-1.

Mananatili pa rin umanong alas-4:30 ng madaling araw ang unang biyahe ng kanilang mga tren mula sa Baclaran Station at Fernando Poe Jr. Station habang ang huling biyahe naman mula sa Baclaran Station ay aalis ng alas-10:00 ng gabi at alas-10:15 ng gabi naman ang last trip mula sa Fernando Poe Jr. Station.

“The changes at the start of the operating hours on weekends/holidays will allow us to have more time to perform track works as part of our initiatives in upgrading the LRT-1 system. The primary goal of these upgrade efforts is to provide efficient transportation for our dear commuters. We assure you that safety remains a top priority for LRMC,” ani Paulino.

Kaugnay nito, pinapayuhan naman ng LRMC ang mga pasahero ng LRT-1 na planuhin ang kanilang mga biyahe ng mas maaga, lalo na kung weekends.