Ikinalugod ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11962 o ang “Trabaho Para sa Bayan Act” matapos itong pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos nitong Miyerkules, Setyembre 27.

LARAWAN MULA KAY NOEL B. PABALATE/ PPA POOL

Layunin ng bagong batas na makapaglikha ng mga trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino at pagtugon sa mga isyu hinggil sa labor market sa bansa.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

"Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang tiwala at suporta na pangunahan natin ang pagsulong sa napakahalagang batas na ito na siyang susi sa pagtugon sa iba't ibang hamon sa paggawa at paglikha ng trabaho sa bansa," saad ni Villanueva na siyang nag-akda at nag-isponsor ng nasabing batas.

"Hindi lamang po ito katuparan ng ating pangako noong kampanya, katuparan din ng pangarap ng ating mga kababayan na magkaroon ng maayos na trabaho at disenteng pamumuhay," dagdag pa ng senador.

Umaasa si Villanueva na mabibigyan ng sapat na pondo ang batas nang sa gayon ay maramdaman ng mga Pilipino ang benepisyong dulot nito.

"Sa kabila po ng sinasabing bumubuting ekonomiya, marami pa rin ang napag-iiwanan sa kawalan ng trabaho at kahirapan. Naniniwala po tayo na magiging sagot ang batas na ito para masiguro ang masayang pagbabago para sa bawat Pilipino," saad pa ni Villanueva.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na makatutulong ang bagong batas upang resolbahan ang isyu sa labor sector.

“Under this law, we will also incentivize employers, industry stakeholders, and private partners who will facilitate skills development, technology transfer and knowledge sharing amongst our businesses and our workers,” ani Marcos.

“With this concerted effort, I am confident that we will not only achieve the goals of this law but we will also realize our vision of Bagong Pilipinas," dagdag pa niya.

Sinabi rin Marcos na ang bagong batas ay maglalatag ng pundasyon para sa Trabaho Para Sa Bayan Inter-Agency Council, na gagawa ng master plan para sa pagbuo ng trabaho.

Ang naturang council ay binubuo ng mga pinuno ng National Economic and Development Authority, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Budget and Management, Department of Finance, Department of the Interior and Local Government, at mga kinatawan mula sa employers' organizations, labor groups, marginalized sector, at informal sector.