Pinalagan ng TV/social media personality, model, at negosyanteng si Maggie Wilson ang 'smear campaign" na ginawa ng ilang social media influencers laban sa kaniya, na nagpapakalat ng "scripted" na fake news.
Ayon sa pagbubunyag ni Maggie, sa halagang ₱8k daw ay nabayaran ang ilang influencers upang i-post ang isang scripted na paninirang-puri laban sa kaniya, sa business partner na si Tim Connor, at sa kompanyang "Acasa Manila."
Tungkol ang paninirang-puri sa umano'y pang-scam ni Maggie at kaniyang business partner na si Tim Connor sa ilang customers ng kanilang kompanya.
Ibinahagi ni Wilson ang mga nakalap niyang screenshots ng mga usapan tungkol sa panghihikayat na tanggapin ang "project" na may kaukulang bayad.
Bukod dito, makikita rin sa serye ng kaniyang Instagram stories ang video ng TikTokers na umaming scripted lamang ang lahat, at may nagbayad sa kanila upang siraan si Wilson at ang kompanya nito. Hinimok niya ang mga ito na lumantad upang hindi sila madamay sa anumang legal remedies na nakahanda niyang isampa sa sinumang nagpasimuno nito.
"To all the content creators, organisers, and others that participated in this campaign: We have all your names and many of your IDs, places of work, school, etc. Even if the videos were deleted," saad niya sa kaniyang Instagram stories.
"Once we receive it, we will decide whether to include you in our legal action through the criminal justice system. We encourage you to present this within the next 24 hours," dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Maggie ang IG story ni Connor tungkol dito.
Hindi pa malinaw kung sino ang utak sa likod nito, subalit sa ulat ng CNN Philippines, ang pinaghihinalaan umano ni Maggie na siyang promotor nito ay si "Rachel Carrasco," ang babaeng nauugnay sa kaniyang estranged husband na si Victor Consunji, subalit burado at hindi na makita umano ang post niya tungkol dito.