“Deserve na deserve nila ang dagdag na suportang ito.”
Ito bahagi ng pahayag ni Senador Risa Hontiveros bilang pagsuporta na ilipat umano ang confidential at intelligence funds sa mga ahensyang dumidepensa sa teritoryo ng Pilipinas at pagtatanggol ng likas na yaman sa West Philippine Sea (WPS).
“Deserve na deserve nila ang dagdag na suportang ito. Masaya ako dahil tumitibay na talaga ang ating panawagan noong nakaraang Agosto na palakasin ang kakayahan ng Philippine Coast Guard (PCG), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ng ibang ahensiya. Kailangan nila ng malaking pondo dahil pinoprotektahan nila ang ating likas yaman, ang ating mga kababayan, ang kabuhayan ng ating mga mangingisda, at, syempre, ang kinabukasan ng ating bansa,” saad ni Hontiveros nitong Miyerkules, Setyembre 27.
“Hindi talaga kasi tama na yung mga civilian agency na walang direktang kinalaman sa national security, pero may P500 million na confidential fund, habang ang PCG na nagbabantay sa buong WPS, pagkakasyahin ang P10 million na confidential funds sa 2024,” dagdag pa niya.
Muling iginiit ni Hontiveros na dapat mapunta ang confidential at intelligence funds sa mga ahensyang direktang nagtataguyod ng seguridad at proteksyon ng mga tao.
“Kaya ang napipintong paglilipat ng napakalaking pondong ito sa PCG is undeniably on the right track. Now, we are walking the talk. I am very glad that we are starting to set our national priorities straight,” pagtatapos ng senadora.
Matatandaang napagkasunduan ng Kongreso na i-realign ang confidential at intelligence funds sa mga ahensyang may kinalaman sa national security, ilang araw matapos ang iligal na paglalagay ng floating barrier ng China sa WPS.
Maki-Balita: China Coast Guard, binira ng PCG dahil sa paglalagay ng boya sa Bajo de Masinloc