Kinumpirma ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes na may kabuuang 150 benepisyaryo ang ginawaran nila ng certificates of title, sa ilalim ng 'land for the landless program' ng lungsod kamakailan.

Ayon kay Lacuna, ang programa ay pinangungunahan ng Manila urban settlements office sa pamumuno ni Atty. Danilo de Guzman.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mismong ang alkalde naman ang nag-abot ng certificate of lot awards sa may 150 beneficiaries na mula sa Anthony Torre, Lico, Francisco Tan Estates mula Districts 2, 3, 4 at 5.

Kasama niya sa paggagawad ng mga naturang sertipiko sina Secretary to the Mayor Marlon Lacson, Vice Mayor Yul Servo, Congressmen Joel Chua at Irwin Tieng at ilang Manila City Councilors.

Sinabi ni Lacuna na, "Masaya kami para sa inyo dahil makalipas ang ilang panahon ay mayroon na kayong masasabing talagang inyo."

Dagdag pa niya, "Pakaingatan po sana natin ito. Hindi lang ito para sa inyo kundi para sa inyong pamilya."

Samantala, tiniyak din naman ni Lacuna na ang pamahaalaang lungsod ay patuloy sa paghahanap ng paraan upang ang mga walang lupa ay mabigyan ng kanilang sariling lupa.

Aniya, hindi siya hihinto sa pagtupad sa pangarap ng mga walang lupang Manilenyo na isang araw ay magkaroon din ng sariling lupa.

Nabatid na noong unang taon niya sa puwesto, ang pamahalaang lungsod ay nakapamahagi na rin ng lupa sa may 600 landless families sa lungsod.

"Ang matagal na nilang pangarap, nais kong bigyan naman natin ng katuparan,” ani Lacuna.