Tila dismayado si Senador Risa Hontiveros sa naiulat na ginastos ng Office of the Vice President (OVP), sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte, ang ₱125-million confidential funds noong 2022 sa loob lamang ng 11 araw, mas maikling panahon kaysa sa naunang naiulat na 19 araw.

“Anong uri na naman ng magic ang ginamit nila para ubusin ang ₱125M sa loob ng 11 araw? Hindi na lang yan spending spree. Yan ay paglapastangan sa mamamayan,” saad ni Hontiveros sa isang pahayag nitong Martes, Setyembre 26.

₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo

“Napakagaspang. ₱11 million kada araw? Daig pa ang may patagong credit card sa national budget. Hindi niyo pera yan!” dagdag pa niya. “Confidential funds can be validly spent only on expenditures supporting surveillance activities of civilian agencies.”

Sinabi ni Hontiveros na napagkasya umano ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea ang kanilang ₱117-million confidential funds sa loob ng 17 taon.

“Yung ating Coast Guard sa West Philippine Sea, araw-araw binabantayan ang sumpong ng China. 17 years pinagkasya ang ₱117 million na confidential funds. Ang OVP, hindi man lang umabot sa dalawang linggo,” aniya.

Kinuwestiyon ng senadora kung ano ang ginawa ng OVP sa naturang confidential funds.

“What can VP Sara show for it? Nagmass hiring ba ang OVP ng libo-libong informant sa loob lang ng 11 na araw? Nagpatayo ba sila ng daan-daang safehouse sa loob lamang ng 11 na araw?

“Babalik lang tayo sa paulit-ulit na tanong: Saan niyo dinala ang pera? Naghihintay ng resibo ang buong Pilipinas.”

Sa plenary deliberations ng 2024 proposed budget ng Commission on Audit (COA) nitong Lunes, kinuwestiyon ni House assistant minority leader Arlene Brosas ng Gabriela ang komisyon hinggil sa naging paggastos ng OVP ng nasabing ₱125 million confidential funds mula Disyembre 13 hanggang Disyembre 31, 2022, ayon umano sa Statement of Appropriations, Obligations and Balances (SAOB).

“Ayon sa mga nakaraang usapin, lumalabas na ginastos ng OVP ang halagang ₱125 million sa 19 days lamang na mukhang napakaiksing panahon. Maaari bang ikumpirma ng COA ang nangyaring ito?” ani Brosas.

“Ang totoo po ay nagulat din po ako noong mabasa ko ang mga balita na tila nagastos po sa loob ng 19 days. Tinanong ko po ang COA at tiningnan ko po ang iba’t ibang mga reports, pero hindi po ito nagastos sa loob ng 19 days, kung hindi 11 days po,” sagot naman ni Quimbo, na siya ring senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations.

Maki-Balita: ₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo

https://balita.net.ph/2023/09/25/%E2%82%B1125-m-confidential-funds-ng-ovp-ginastos-sa-loob-ng-11-araw-quimbo/