Nagpahayag si Senate Majority leader Joel Villanueva hinggil sa patuloy na umanong panghihimasok ng bansang China sa West Philippine Sea (WPS) matapos itong maglagay ng floating barriers.
“No drama, just straight facts! Hindi po ito gawa-gawa ng kathang isip, kitang-kita na po sa mga litrato at video ang tahasang pambabastos at kawalan ng respeto ng China sa karapatang soberenya ng Pilipinas. Kaibigan pa ba na matatawag ang isang bully na patuloy na sinasamantala ang relasyon ng dalawang bansa?” saad ni Villanueva nitong Lunes, Setyembre 25.
Binigyang-diin pa ng senador na malaking dagok sa kabuhayan ng mga mangingisda ang paglalagay ng floating barriers ng China sa exclusive economic zone.
“Patuloy pa rin po ang panghihimasok ng Chinese Coast Guard sa ating exclusive economic zone at ang pinakahuli nga po ay itong paglalagay ng floating barriers sa southeast portion ng Scarborough Shoal. Malaki po ang dagok na dulot nito sa kabuhayan ng ating mga mangingisda na umaasa sa karagatan para sa kanilang kabuhayan,” ani Villanueva.
Binanggit din nito na malinaw na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang Scarborough Shoal dahil matatagpusan ito sa kanluran ng Zambales.
Kaisa rin daw siya ni Pangulong Bongbong Marcos sa agarang pagpasa ng Philippine Maritime Zones Act “na naglalayong magdeklara ng mga maritime zones na nasa pamamahala ng Pilipinas kabilang ang internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, EEZ at continental shelf.”
“Kasama rin po ang panukalang ito sa tinalakay na kabilang sa LEDAC priority measures na target maipasa ngayong taon.”
Sa ulat ng PCG nitong Linggo, Setyembre 24, natuklasan umano ang 300 metrong floating barrier nang magsagawa ng maritime patrol ang mga tauhan ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa binisidad ng Panatag Shoal noong Biyernes, Setyembre 22.
MAKI-BALITA: China Coast Guard, binira ng PCG dahil sa paglalagay ng boya sa Bajo de Masinloc