Tila nanumbat ang social media personality na si Rendon Labador sa fans ni Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda dahil matapos daw siyang banatan dahil sa paninita niya sa idol nila, heto't lumalapit naman sa kaniya upang bardahin daw ang "E.A.T." host na si Joey De Leon, na nalalagay ngayon sa alanganin dahil sa "lubid" joke.
Naglabas na ng pahayag ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) nitong araw ng Lunes, Setyembre 25, hinggil sa naging banat ni Joey sa tanong na “mga bagay na isinasabit sa leeg” sa isang segment ng noontime show na E.A.T.
Matatandaang sa segment ng E.A.T. na Gimme 5: Laro Ng Mga Henyo noong Sabado, Setyembre 23, kung saan sina Joey at Vic Sotto ang main hosts, tinanong ang isang contestant na magbigay ng mga bagay na sinasabit sa leeg.
“Lubid, lubid. Nakakalimutan n’yo,” biglang hirit ni Joey sa tanong na may kasamang pagtawa, dahila kaya’t inulan ng batikos ang comedy-host sa social media.
Bahagi ng pahayag ng MTRCB, "Taking cognizance of the complaints from the viewing public in relation to E.A.T. Gimme 5 segment aired last 23 September 2023, the Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) shall determine if the same are valid and presumably violative of Presidential Decree No. 1986 and/or its Implementing Rules and Regulations."
Kaugnay nito, hindi nagpaawat si Rendon sa pambabarda kahit ang gamit niya ngayon ay Instagram.
Dahil wala siya sa Facebook matapos itong ma-mass report, pasalamat daw si Joey dahil nakalusot siya ngayon. Nakakabanat pa rin ang social media personality gamit ang kaniyang Instagram account.
Aniya, "Joey, pasalamat ka wala na ako sa Facebook. Nakalusot ka ngayon."
Sa isa pang Instagram story, ibinahagi ni Rendon ang pagpapadala raw ng mensahe sa kaniya ng ilang tagahanga ni Vice Ganda.
Hinihimok daw siyang banatan ang E.A.T. dahil tila wala raw pakialam dito si MTRCB Chair Lala Sotto.
Sey ni Rendon na mababasa sa text captions, "Nagalit kayo sa akin dahil idol ninyo ang sinita ko."
"Tapos lalapit din kayo para i-boses na maitama ang mga mali."
"Ako ang nag-iisang tao dito sa Pilipinas na nagsasabi ng mga katotohanan para maitama ang mga mali, galit pa kayo sa akin. Sino na ngayon ang may lakas ng loob pumuna sa mga 'yan?" aniya pa.