Isang motorcycle rider ang patay nang masagasaan ng isang trailer truck na nakasabayan nito at nakasagian sa kalsada sa Ermita, Maynila nitong Lunes ng umaga.
Dead on the spot ang biktimang si Domenador Odon, nasa hustong gulang, at residente ng Bayugo, Meycauayan, Bulacan, dahil sa matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan.
Samantala, arestado naman ang driver ng trailer truck na si Globert Abad, ng Maragondon, Cavite.
Batay sa ulat ni PSSg Ron Henry Gemzon, imbestigador ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na dakong alas-10:40 ng umaga nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Roxas Boulevard, kanto ng Kalaw Avenue sa Ermita.
Nauna rito, sakay umano ang biktima ng kanyang Honda TMX motorcycle na may MV File no. 1336-0433968 at binabagtas ang southbound lane ng Roxas Boulevard, nang makasagian nito ang kasabayang rebuilt tractor head na may trailer na may mga plakang AMA 1291 at CUC 176, at minamaneho ni Abad.
Dahil dito, sumemplang ang motorsiklo at nahulog ang biktima bago tuluyang pumailalim sa trailer at nasagasaan ng hulihang gulong nito.
Kaagad na binawian ng buhay ang biktima habang arestado naman ang suspek na nakapiit na at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.