Hinikayat ni Senador Francis “Chiz” Escudero si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magtalaga ng “full-time” na mamumuno sa Department of Agriculture (DA) upang matiyak umanong matutugunan nang madalian ang mga hamong kinahaharap ng ahensya.

Sa isang panayam sa radyo, batay na rin sa press release ng Senado nitong Lunes, Setyembre 25, sinabi ni Escudero na mahalaga ang pagkakaroon ng full-time na kalihim ng DA upang agaran umanong masolusyunan ang mga kinahaharap ng ahensya, partikular na raw ang kampanya ng administrasyon laban sa rice smuggling at hoarding.

"Siguro ang unang hakbang para matutukan talaga ang Department of Agriculture ay maglagay na ng permanente at full-time na secretary sa departamentong iyan. Kung mahalaga talaga iyan, kailangang may full-time at dedicated na kalihim at hindi part-time lamang," pahayag ni Escudero.

Sinabi rin ng senador na bagama't naiintindihan daw niya ang pagnanais ni Marcos, kasalukuyang kalihim ng DA, na personal na pangasiwaan ang sektor, napakarami umanong isyu ng bansa ang kailangan niyang asikasuhin bilang pinuno ng estado.

National

Unemployment rate sa ‘Pinas, bumaba sa 3.9% – PSA

"Maganda ang intensyon ng Pangulo. Ang problema ay iisa lang ang katawan niya, dadalawa lamang ang mga kamay niya at ang 24 oras niya ay 24 oras din nating lahat,” ani Escudero.

"Hindi kaya nitong pagtama-tamain na gampanan pa rin niya ang trabaho bilang Pangulo ng bansa na sinu-supervise ang lahat ng departamento. Importante rin naman at matutukan din ang bawat butil, gagamitin ko na ang salitang butil, ng problema na kailangang asikasuhin dito sa Agriculture department,” dagdag pa niya.

Samantala, muli rin nanawagan ang senador sa pamahalaan na labanan ang rice hoarding at smuggling sa pamamagitan umano ng paglalantad sa pangalan ng mga indibidwal, hindi lamang ng trading companies, na sangkot sa iligal na aktibidad, maging sa pamamagitan ng paghahain ng karampatang kaso laban sa mga ito.

"Noong tinanong ko si Senator Cynthia Villar doon sa interpellation sa anti-agricultural smuggling bill, ang sabi niya ay puro pangalan lamang ng mga kompanya ang binigay daw sa kaniya ng Bureau of Customs," saad ni Escudero.

"Ang problema doon, hindi naman makakasuhan ng criminal na kaso ang mga kompanya. Hindi naman makakagawa ng krimen ang kompanya, Ang gumagawa ng krimen ay tao at kung may parusa man sa kompanya, 'yan ay tatanggalan lang ng lisensya o registration ng SEC (Securities and Exchange Commission) pero hindi naman pwedeng mag-hoarding, mag-smuggling ang kompanya. Tao ang gumagawa noon kaya tao ang dapat kasuhan," giit pa niya.

Binanggit din ng senador na sa ilalim ng Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, ang rice smuggling at hoarding ay isa umanong “economic sabotage” na maituturing na non-bailable offenses at may parusang habambuhay na pagkakakulong.