Umarangkada na nitong Lunes ang pilot test ng Matatag Curriculum, o ang revised K to 10 program ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa DepEd, nasa 35-paaralan sa buong bansa ang kalahok sa naturang pilot run, na personal na pinangasiwaan ng mga opisyal ng DepEd.
Base sa listahan, lima sa mga naturang paaralan ay mula sa National Capital Region (NCR), habang may tig-lima naman ang mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Visayas, Soccsksargen, at Caraga.
Sa ilalim ng programa, babawasan ang mga learning areas at sa halip ay magpopokus sa mga foundational skills.
Una nang sinabi ng DepEd na ang mga findings at resulta na makakalap sa pilot run ay pagsasama-samahin at gagamitin sa paghahanda para sa phased implementation ng revised curriculum.
Nabatid na ang phased implementation ng bagong K-10 curriculum sa mga mag-aaral sa Kinder, Grade 1, Grade 4, at Grade 7 ay magsisimula sa School Year (SY) 2024-2025.
Susundan naman ito ng Grades 2, 5, at 8 sa SY 2025-2026; Grades 3, 6 at 9 sa SY 2026-2027; at Grade 10 sa SY 2027-2028.
Samantala, tiniyak naman ng Curriculum and Teaching Strand ng DepEd nitong Linggo na natapos na ang training sa mga guro, na mula sa mga paaralang kalahok sa pilot implementation ng revised curriculum.
“Strengthening of expertise among teachers through collaborative activities like LAC (Learning Action Cell) sessions are already in place to aid teachers in the delivery of teaching-learning process,” anito.
Naisailalim na rin anila sa orientation maging ang mga schools at division offices na magiging bahagi rin ng implementasyon, monitoring at assessment ng Matatag curriculum.
Nai-download na rin ang fund support para sa pilot implementation sa mga kalahok na rehiyon.