Literal na nasa likod ng isang grade 5 pupil ang kaniyang tatay matapos niyang ilagay ang mga larawan nito sa kaniyang dalang backpack na ginagamit sa tuwing pumapasok sa paaralan.
Sa Facebook post ng inang si Regina Banate, nagulat mismo siya nang makita ang mga nakadikit na larawan ng kaniyang mister na si Mohammad Banate, financial advisor, sa bag ng kanilang anak na si Francez Maria Maxynn Banate.
"Gaano ka ka-daddy's girl?? 😁😂 Literal na, 'Daddy's always at my back (pack)!' Ewan ko sa'yo, Maxynn! 😂😂😂" mababasa sa caption ng Facebook post.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Regina, sinabi niyang hindi tinanggal ng anak ang mga larawan ng tatay niya at talagang dinala ito kasama ng backpack nang pumasok sa Barasoain Memorial Integrated School, Malolos, Bulacan.
"Pinatabi ng daddy niya sa kaniya yung picture niya para sa mga posters sa pagiging FA (financial advisor). Tapos diyan nilagay sa bag niya. Para daw kapag may nang-inis sa kaniya, lagot sa daddy niya," nakakaantig na kuwento ni Regina.
"Akala namin joke lang pumasok talaga siyang ganiyan."
Dagdag pa ni Regina, talagang close ang kaniyang mister sa anak nila.
"Hands on kasi si hubby sa mga bata. Siya sundo-hatid. Basta kung ano yung pwede niyang gawin para sa mga bata, gagawin niya."
"Sa sobrang closeness nga nila, pangarap ng anak ko na maging president ng class, naging president siya. Ang next na pangarap daw nya magkaroon ng parent na officer sa PTA. Eh, ayaw ko. Hayun tinupad ng daddy niya. VP daddy niya hahaha."
"Junior ni Mad si Max. Same sila sa lahat ng bagay ultimo sa mga sounds. Pinapakinig pa niya daddy niya ng K-Pop."
Tinanong daw niya ang anak kung bakit inilagay nito ang litrato ng kaniyang tatay sa bag.
"Tinanong ko si Max bakit niya nilagay saka di siya nahihiya."
"Sa pagmamahal daw niya sa daddy niya gusto daw niya laging kasama. Saka para daw walang gumalaw ng bag niya, haha," aniya.
Hamon naman ng ilang netizens, baka raw sa susunod ay subukin naman nilang gawing cover sa notebook ang larawan ng tatay o maging ng nanay.
Kamakailan lamang ay napabalita naman ang paggamit sa mga larawan ng isang guro bilang cover sa notebooks ng isang estudyante.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!