Kinumpirma ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo nitong Lunes, Setyembre 25, na nagastos ng Office of the Vice President (OVP), sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte, ang ₱125-million confidential funds noong 2022 sa loob ng 11 araw, mas maikling panahon kaysa sa naunang naiulat na 19 araw.

Sa plenary deliberations ng 2024 proposed budget ng Commission on Audit (COA) nitong Lunes, kinuwestiyon ni House assistant minority leader Arlene Brosas ng Gabriela ang komisyon hinggil sa naging paggastos ng OVP ng nasabing ₱125 million confidential funds mula Disyembre 13 hanggang Disyembre 31, 2022, ayon umano sa Statement of Appropriations, Obligations and Balances (SAOB).

“Ayon sa mga nakaraang usapin, lumalabas na ginastos ng OVP ang halagang ₱125 million sa 19 days lamang na mukhang napakaiksing panahon. Maaari bang ikumpirma ng COA ang nangyaring ito?” ani Brosas.

“Ang totoo po ay nagulat din po ako noong mabasa ko ang mga balita na tila nagastos po sa loob ng 19 days. Tinanong ko po ang COA at tiningnan ko po ang iba’t ibang mga reports, pero hindi po ito nagastos sa loob ng 19 days, kung hindi 11 days po,” sagot naman ni Quimbo, na siya ring senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matatandaang naiulat kamakailan na nagmula ang naturang pondo ng OVP sa Office of the President (OP).

Buwan naman ng Agosto ngayong taon nang kuwestiyunin ng Makabayan bloc si Duterte sa Kamara sa ginanap na budget hearing ng OVP hinggil sa nasabing confidential funds. Gayunpaman, maagang tinapos ng Committee on Appropriations ang pagdinig dahil umano sa parliamentary courtesy.

Iminumungkahi ng OVP ang ₱2.385 bilyong budget para sa 2024, at humihingi rin ito ng ₱500 milyong confidential at intelligence funds.