Wala nang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR), ngunit patuloy pa ring magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa ang southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Setyembre 24.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA nitong 4:00 ng umaga, inihayag ni weather specialist Daniel James Villamil na tuluyan nang nalusaw ang binabantayan nitong LPA sa silangan ng bansa dakong 10:00 ng gabi nitong Sabado, Setyembre 23.
Samantala, nakalabas na umano ng PAR ang ikalawang LPA dakong 2:00 ng madaling araw nitong Linggo, at huli itong namataan sa layong 600 kilometro sa kanluran ng Iba, Zambales.
“Nananatiling maliit ang tsansa ng nasabing low pressure area na maging isang ganap na bagyo sa mga susunod na araw at bahagyang humina na rin ang epekto nito sa ating bansa,” ani Villamil.
Gayunpaman, nakaaapekto pa rin umano sa bansa ang patuloy na pag-iral ng habagat.
Pagdating naman sa magiging lagay ng panahon sa 24 oras, inihayag ng PAGASA na malaki ang tsansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon, at Visayas dulot ng habagat o na trough ng LPA.
Maaari umano ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar bunsod ng posibleng malakas na pag-ulan.
May tsansa namang makaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Mindanao bunsod ng habagat o ng localized thunderstorms.
Posible rin umano ang pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.