Binigyang-pugay ni Senador Risa Hontiveros ang mga marinong Pilipino sa gitna ng pagdiriwang ng National Seafarers’ Day nitong Linggo, Setyembre 24.

Sa kaniyang pahayag, kinilala ni Hontiveros ang mga pagsisikap ng lahat ng mga Pilipinong bahagi ng maritime industry, at sa malaking kontribusyon umano nila hindi lamang sa ekonomiya ng bansa, kundi maging sa maayos na kalagayan ng global maritime trade.

“Ika nga, Filipino seafarers keep the world connected and moving forward. Buong mundo ang nakikinabang sa angking galing, sipag at propesyonalismo ng marinong Pilipino, kasama ng inyong mga pamilya na inyong hinahatid sa mas magandang kinabukasan,” ani Hontiveros.

“Makakaasa kayo sa aking patuloy na suporta at pakikipagtulungan tungo sa mga reporma na magtataguyod sa interes at karapatan ng ating mga marino,” dagdag pa niya.

Metro

Lalaking bugbog-sarado matapos gahasain ang 4-anyos na bata, arestado!

Binanggit din ng senadora ang pagsusulong umano niya ng Magna Carta of Filipino Seafarers.

“Nitong linggo lamang, siniguro namin na naalis sa pinakahuling bersiyon ng nasabing bill sa Senado ang kontrobersyal na ‘escrow provision’ na sa tingin ko at ng seafarers' groups ay hindi makaturangan at magpapahirap sa proseso ng monetary claims ng mga marino,” ani Hontiveros.

Inihayag din ng senadora ang paghahain niya ng resolusyon ukol umano sa “matagal nang isyu ng compliance ng Pilipinas sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (ISTCW).”

“Panahon na para solusyonan ang mga kakulangan na nagdadala ng panganib sa hanapbuhay ng tinatayang 400,000 na marinong Pinoy,” saad ni Hontiveros.

“Maraming hamon man ang hinaharap ng ating mga marino, naniniwala ako na mananaig ang husay ng Filipino seafarers, sa tulong ng maayos at makatao na mga polisiya na ating sinisikap isulong sa loob at labas ng Senado,” dagdag pa niya.