Binatikos ng Philippine Coast Guard (PCG) ang China CG dahil sa paglalagay ng 300 metrong boya sa bahagi ng Bajo de Masinloc na pumipigil sa mga Pinoy na makapangisda sa lugar.

Natuklasan ang 300 metrong floating barrier nang magsagawa ng maritime patrol ang mga tauhan ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa binisidad ng Bajo de Masinloc na mas kilala rin sa tawag na Scarborough Shoal o Panatag Shoal nitong Setyembre 22.

"Three (3) CCG’s Rigid Hull Inflatable Boats (RHIBs) and Chinese Maritime Militia’s service boat installed the floating barrier upon arrival of the BFAR vessel in the vicinity of the shoal," ayon sa Facebook post ng Coast Guard.

Nauna na nagrereklamo ang mga mangingisdang Pinoy laban sa mga barko ng CCG dahil sa madalas na paglalagay ng mga boya kapag sila ay namamataan sa lugar.

Sa pagpapatrolya sa lugar, namataan ng BFAR at PCG ang mahigit sa 50 bangka ng mga Pinoy habang nangingisda.

Gayunman, ilang beses na nag-radio challenge ang CCG sa PCG upang maitaboy ang mga ito, kasama ang mga mangingisdang Pinoy.

Ayon sa CCG, nilabag umano ng PCG at ng Filipino fishing vessels ang international law at domestic law ng People's Republic of China (PRC) dahil sa pananatili sa kanilang teritoryo.

Idinagdag pa ng PCG, kusa nang lumayo ang CCG nang malamang sakay ng barko ng BFAR ang mga mamamahayag.

Sinabi naman ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, iginigiit lamang ng PCG ang maritime rights ng Pilipinas at mapangalagaan ang maritime domain nito.