Hinikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bawat pamilyang Pilipino na makiisa sa “Kainang Pamilya Mahalaga Day” sa Lunes, Setyembre 25, bilang bahagi umano ng pagdiriwang ng National Family Week.
Sa isang pahayag nitong Sabado, Setyembre 23, ibinahagi ng DSWD na ang “Kainang Pamilya Mahalaga Day,” isang pagdiriwang kung saan hinihikayat ang mga pamilyang Pilipinong magsabay-sabay na kumain, ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 326, series of 2012.
“The DSWD encourages all Filipino families to set a time to bond with their families. This is one way of strengthening your communication and maintaining your relationship with one another,” ani Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez.
“The simple activity of having meals together will help greatly in making a family strong and resilient despite all the challenges they are facing,” dagdag pa niya.
Matatandaang inanunsyo ng Malacañang nitong Biyernes, Setyembre 22, ang pagsuspinde ng trabaho sa Executive Branch sa darating na Lunes mula 3:00 ng hapon, Setyembre 25, para umano magkaroon ng oras ang mga empleyado na makasama ang kani-kanilang pamilya at ipagdiwang ang Kainang Pamilya Mahalaga Day.
Sa temang “Pamilyang Pilipino: Pagtugon sa Nababagong Pananaw at Panahon”, na naka-angkla sa tema ng 2023 International Day of Families na: “Demographic Trends and Families”, ang pagdiriwangumano ngayong taon ay magbibigay-diin sa kamalayan sa megatrend ng demograpikong pagbabago at ang epekto nito sa bawat pamilya.
Nakatakdang ipagdiwang ang National Family Week mula Setyembre 25 hanggang Setyembre 29.