Naniniwala ang 4th richest man in the Philippines na si Ramon Ang na hindi pera ang sukatan ng pagiging matagumpay sa buhay.
Sa kaniyang &t=516s">panayam kay Anthony Taberna o Ka Tunying noong Setyembre 14 sa YouTube channel na "Tune In kay Ka Tunying," ibinahagi ni Ang ang kaniyang “simpleng buhay” kahit na isa siyang bilyonaryo.
Isa sa napag-usapan sa nasabing panayam ang tungkol sa pera. Sinabi ni Ang na hindi raw sukatan ng tagumpay ang pagkakaroon ng maraming pera.
“Ang buhay natin dapat huwag nating isipin ‘yung pera-pera, kung magkano pera mo. Ang kailangan nating maalala gaano karaming tao matutulungan natin at kung paano gumaan ang buhay ng mga taong makakasama natin,” saad ng 4th richest man in the Philippines.
“Eh ‘yung pera para sa akin hindi ‘yun measurement ng success in life eh. Ang success in life measurement is: ‘oh ang saya mo kasi nako natulungan ko ‘yung mga kaibigan niya, nagkatrabaho nang mabuti. Oh ‘yung mga batang ‘yan napag-aral natin.’ ’Yun ang kasiyahan ng buhay, eh ‘yung yaman numbers lang ‘yun eh. Eh mayroon kang isang daang piso o mayroon kang isang daang libong piso pare-pareho na ‘yan,” dagdag pa niya.
Naibahagi rin ni Ang na hangga’t maaari ay sinusubukan daw niyang mamuhay nang simple.
“In as much as possible trinatry kong maging simple living lang. Eh kung may pagkakataon nga ako, pinakamasaya ko sa buhay ‘yung nagpapahinga ako, makita ko ‘yung mga anak ko o makita ko ‘yung mga apo ko. ‘Yun ang pinakamasaya ko sa buhay,” aniya.
Likas na rin umano kay presidente ng San Miguel Corporation ang pagiging masigasig sa pagtatrabaho dahil aniya kahit weekends at holidays, nagtatrabaho pa rin siya. Kahit na ganoon, sinisigurado niyang may oras pa rin siya sa kaniyang pamilya.
“Ngayon ‘pag namatay ako, bubuksan ko ‘yung ataul ko, wala akong dadalhin. Habang buhay tayo at habang healthy pa tayo gawin natin ang lahat ng magagawa natin para sa pamilya natin at para sa bayan,” aniya pa.
Naikuwento rin ng bilyonaryo na hindi niya pinangarap na maging mayaman dahil aniya ang kapalaran ng isang tao ay ibinibigay ng Diyos at noon pa man talagang trabaho kung trabaho lamang siya.
"Alam mo 'yung mga nagpaplanong maging somebody... hindi nila ma-a-achieve 'yun. Lahat ng ito na mangyayari sa'yo ay bigay lamang ng Diyos sa'yo... Eh ako hindi ako nagplano ng kahit ano," ani Ang.
"No'ng maliit ako nag-aral ako sa ordinaryong paaralan, lumaki ako sa Tondo. Wala naman akong plano na kailangan magkakotse ng maganda o kumain ng kung ano... araw-araw lang po trabaho. Eh ngayon kung may kaunting suwerte, sige, kung wala pasensya," dagdag pa niya.
Hindi rin aniya siya mapili sa pagkain dahil kung ano raw ang kinakain ng mga empleyado niya ay iyon din ang kinakain niya. Ngunit ang ibig niya raw sabihin ay hindi raw madadala sa hukay ang pera.
"Ibig sabihin 'yung pera hindi mo madadala. Kaya huwag mong diyo-diyosin ang pera. 'Yung pera is meant to be shared, is meant to be use to help our country, our people. Huwag tayong magdamot sa mga kababayan natin," sabi pa ni Ang.
Gayunman, sa kabila ng pagtulong sa kapwa, wala siyang planong mamulitika o pumasok sa politika.
Ayon sa Forbes Magazine nitong Agosto 2023, si Ramon Ang ang ikaapat na pinakamayamang tao sa Pilipinas na may net worth na $3.4B.
Si Ang ang presidente at vice chairman ng San Miguel Corporation.