Naglabas ng public apology ang pamunuan ng modern jeepney company sa Bacolod City na inireklamo ng isang 19-anyos na pasaherong estudyante matapos umanong hiyain ng konduktor nitong Miyerkules, Setyembre 20.

Nag-viral ang Facebook post ng estudyanteng si "Lanimae Joy Libo-on Mag-aro" matapos umanong makaranas ng pamamahiya mula sa konduktor na naging dahilan upang bumaba siya rito at mapaiyak na lamang sa tabi ng kalsada.

Ayon sa kaniyang Facebook post, pagsampa pa lamang niya sa loob ng sasakyan ay nabody-shame na kaagad siya ng konduktor dahil sa size ng kaniyang katawan.

Hindi naman daw niya akalaing seryoso ito nang singilin na siya ng pamasahe at sabihing doble ang kailangan niyang bayaran.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Dahil estudyante siya at ₱11 ang student fare, sinabi raw ng konduktor na ₱22 ang dapat niyang bayaran dahil doble raw ang sakop ng kaniyang upo.

Isang pasahero na ang nakialam at sinaway ang konduktor na huwag nitong pagsalitaan nang ganoon ang pasaherong estudyante.

Wala nang nagawa ang estudyante kundi bumaba na raw at dito nga ay naiyak na siya sa nakaka-traumang karanasan, na unang beses lamang daw nangyari sa kaniya.

Agad na kumalat ang kaniyang FB post at habang isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa 20k shares at 1.8k comments ito.

Nagpuyos naman sa galit ang mga netizen sa comment section at nag-demand ng public apology mula sa konduktor at pamunuan ng modern jeepney company.

Dahil naka-tag sa kaniyang viral post, nakarating sa pamunuan ang tungkol dito kaya agad silang naglabas ng public apology.

Saad sa opisyal na pahayag, taos-pusong humihingi ng paumanhin ang pamunuan sa ginawa ng kanilang empleyado sa nabanggit na pasahero.

Sila mismo ay hindi raw palalagpasin ang mga nangyari lalo na kung ito ay lumalabag sa customer service standards. Nakipag-ugnayan na umano ang pamunuan ng kompanya sa naagrabyadong pasahero. Magsasagawa umano sila ng "thorough investigations" na puwedeng humangga sa "disciplinary actions" laban sa konduktor kung mapatutunayang nagkasala ito.

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa pasaherong estudyante, kinumpirma nitong nakipag-ugnayan sa kaniya ang pamunuan ng modern jeep at nagpadala ng letter of apology.

Ang mismong konduktor na namahiya umano sa kaniya ay hindi pa niya nakakausap o hindi pa humihingi ng sorry sa kaniya nang personal.

MAKI-BALITA: ‘Doble-bayad?’ Konduktor sa Bacolod City inireklamo dahil sa body shaming

Ayon sa FB page, ang nabanggit na kompanya ang nagpo-produce ng "Bacolod's First Modernized Jeepneys."