Umaabot sa halos 15,000 kawani ng pamahalaan ang napagsilbihan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa ipinatupad na tatlong araw na libreng sakay para sa kanila kamakailan.

Batay sa ulat ng MRT-3, nabatid na umabot sa kabuuang 10,007 government employees ang nabigyan nila ng libreng sakay habang 4,422 naman ang nabigyan ng libreng sakay ng LRT-2.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ipinatupad ng dalawang rail lines ang libreng sakay simula Setyembre 18 hanggang 20, sa peak hours ng operasyon ng kanilang mga tren, mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.

Ang naturang libreng sakay ay bilang pakikiisa ng MRT-3 sa pagdiriwang ng 123rd Philippine Service Anniversary.

Handog naman umano ito ng Light Rail Transit Authority (LRTA), na nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2, bilang tugon sa hiling ng Civil Service Commission (CSC) na kilalanin at pasalamatan ang mga kawani ng pamahalaan sa kanilang serbisyo at paglilingkod sa bayan.

“Nakikiisa po ang Light Rail Transit Authority sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Civil Service. Ito pong libreng sakay natin sa LRT-2 para sa mga kawani ng pamahalaan ay taon-taon na isinasagawa bilang pasasalamat at pagkilala ng LRTA sa kanilang dedikasyon, serbisyo at sakripisyo sa bayan,” ayon pa kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera.

Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City habang ang LRT-2 naman ang siyang nag-uugnay sa Recto, Maynila at Antipolo City.