Nag-post ang Kapamilya actor na si Jake Ejercito ng kaniyang sentimyento sa ika-51 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa bansa.
Sa isang X post nitong Huwebes, Setyembre 21, shinare ni Jake ang isang bahagi ng pelikulang Smaller and Smaller Circles kung saan makikita ang karakter ni Sid Lucero.
Nakalagay sa naturang bahagi ng pelikula ang linyang:
“Nakalimutan kasi ng marami kung gaano karaming dugo ang dinanak ng mga mamamayan natin bago tayo umabot sa EDSA. Time and forgetfulness are the allies of abusers.”
“#NeverForget,” caption pa ni Jake sa naturang post.
Si Jake ay anak ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at half-brother nina Senador Jinggoy Estrada at JV Ejercito.
Matatandaan namang Setyembre 21, 1972 nang lagdaan umano ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Proklamasyon Blg. 1081, na nagpapataw ng Batas Militar sa buong Pilipinas.
Mula noon, libo-libong mga biktima umano ang inaresto, binilanggo, at pinaslang sa ilalim ng umano’y tinaguriang “dark chapter” ng kasaysayan ng bansa.