Sa ika-51 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa bansa, muling hinikayat ni Senador Risa Hontiveros ang mga Pilipinong alalahanin ang kuwento ng mga naging biktima sa “kamay ng diktadurya.”
“Bilang Martial Law baby na lumaki, nagkaisip at namulat bilang mamamayan sa mga taon ng Martial Law, hindi ako magsasawa sa paghimok sa mga kabataan: Matuto tayo at isaloob natin ang aral at babala ng nakaraan, dahil susi ito sa malaya at maunlad na kinabukasan,” pahayag ni Hontiveros nitong Huwebes, Setyembre 21.
“Manatili sana sa ating alaala ang istorya ng napakaraming napatay, natorture at nasirang mga pamilya sa kamay ng diktadurya,” dagdag pa niya.
Hinikayat din ng senadora ang bawat isang patuloy umanong alalahanin ang mga ipinaglaban ng mga biktima sa ilalim ng Batas Militar sa bansa.
“Huwag natin hayaan na mabaon sa limot, sa propaganda, at sa nagkalat na disinformation, ang istorya ng mga biktima ng Martial Law, at ang mga prinsipyo na kanilang ipinaglaban,” ani Hontiveros.
“May kasabihan nga, memories are key not to the past, but to the future. Patuloy sana tayong magmulat, magsalita, at maninidigan, para sa mas patas, maunlad at malayang Pilipinas.
“Never again to Martial Law! ✊🏼,” saad pa niya.
Matatandaang Setyembre 21, 1972 nang lagdaan umano ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Proklamasyon Blg. 1081, na nagpapataw ng Batas Militar sa buong Pilipinas.
Mula noon, ilang libo umano ang mga nakaranas ng karahasan at inhustisya sa ilalim ng umano’y tinaguriang “dark chapter” ng kasaysayan ng bansa.