Ngayong Huwebes, Setyembre 21, 2023, ang eksaktong 51 taon mula nang lagdaan umano ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Proklamasyon Blg. 1081, na nagpapataw ng Batas Militar sa buong Pilipinas.

Ayon sa Official Gazette, bagama’t Setyembre 21, 1972 pinirmahan ni Marcos ang Proklamasyon Blg. 1081, Setyembre 23, 1972 daw niya idineklara at ianunsyo ang pagkakatatag ng Batas Militar.

Inihayag daw na dahilan ng dating pangulo ng pagtatatag ng Martial Law ang umano’y “communist insurgency” at ang naging pag-ambush kay Defense Secretary Juan Pronce Enrile sa Wack-Wack subdivision sa Mandaluyong.

“This ambush, as Enrile later revealed in 1986, was staged by Marcos to justify Martial Law,” saad pa sa ulat ng Official Gazette.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Setyembre 23: Ang unang mukha ng Martial Law

Sa hiwalay na ulat ng Official Gazette, ilang araw lamang daw matapos isailalim ang Pilipinas sa Martial Law, apat na prominenteng kritiko ng administrasyon ni Marcos na ang inaresto: sina Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., Jose “Pepe” Diokno, Ramon Mitra Jr., at Francisco “Soc” Rodrigo.

Ipinasara na rin umano ang mga iba’t ibang mga pahayagan, kabilang na ang pitong major English dailies, isang English-Filipino Daily, tatlong Filipino dailies, isang Spanish daily, apat na Chinese dailies, 66 community newspapers, 11 English weekly magazines, pitong television stations, at 292 radio stations sa buong bansa.

Sa araw lamang ding iyon, humigit-kumulang 8,000 indibidwal na umano, kabilang na ang mga senador, civil libertarians, mga mamamahayag, mga estudyante, at labor leaders, ang inaresto nang walang due process, habang 12 security guards ang pinaslang.

Samantala, sa paglipas ng mga taon bago opisyal na natapos ang Batas Militar noong Enero 17, 1981, mas lumalala pa umano ang naging paghihirap at inhustisya sa bansa.

Ayon sa Martial Law Museum, sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Marcos ay tinatayang anim sa bawat 10 mga pamilyang Pilipino umano ang mahirap. Mas mataas daw ito kumpara sa datos bago siya maupo sa pwesto ng pagkapangulo kung saan apat sa 10 mga pamilya pa lamang daw ang naghihirap.

“This is a consistent trend across the different regions of the nation, with some regions reaching as high a rate as 7 out of 10 families below the poverty line. Only two regions saw a marginal decrease in number of poor families: the Ilocos Region and Cagayan Valley,” saad ng Martial Law Museum.

Samantala, sa tala ng Amnesty International na inulat ng Martial Law Museum, tinatayang 107,240 umano ang nabiktima ng human rights violations, kung saan 70,000 indibidwal ang inaresto nang walang warrants of arrests, 34,000 indibidwal ang tinorture, at 3,240 ang pinaslang ng mga pulis at militar.

Nasa 11,103 naman umano ng mga biktima ng human rights violations ang may “approved claims” para sa kompensasyon mula sa Human Rights Reparation and Recognition Act of 2013.

Ngayong Huwebes, Setyembre 21, 2023, ay eksaktong 51 taon o mahigit limang dekada na ang nakalilipas mula nang mangyari ang umano’y tinaguriang “dark chapter” sa kasaysayan ng bansa.

Ngunit, ayon sa Amnesty International, dapat umanong laging alalahanin ng mga Pilipino ang “malagim na kasaysayan” upang hindi na ito maulit muli sa kasalukuyan.

“Forgetting a past of grave human rights violations without guaranteeing the rights to truth, justice, and reparations is dangerous and will lead to further human rights violations,” saad pa nito.

Sa kasalukuyan, ang pangulo ng bansa ay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na kaisa-isang anak na lalaki ni Marcos, Sr. at Imelda, matapos manalo niyang sa presidential election noong 2022.