Nanganganib na mawalan ng trabaho ang 265 job order employees ng Cagayan kasunod na rin ng pagtapyas sa 2023 Annual Budget ng pamahalaang panlalawigan.

Sa Facebook post ng Cagayan Provincial Information Office, kabilang sa nakatakdang mawalan ng trabaho ang mga tauhan ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) na tumutulong sa emergency cases.

"Nangangahulugan ito na mababawasan ang mga reresponde sa panahon ng kalamidad, rescue operations, at mga aksidente sa lansangan," ayon sa post ng provincial government.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Sa kasalukuyan, pito ang TFLC-QRT stations sa lalawigan, kabilang ang nasa Tuguegarao City, Amulung, Sanchez Mira, Lal-lo, Ballesteros, Gonzaga, at Tuao.

Kamakailan, sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na aabot sa ₱50 milyon ang tinapyas sa ipinasang ₱102 milyong taunang badyet ng lalawigan para sa 2023.

Nauna nang sinisi ng gobernador si Vice Governor Melvin Vargas at Sangguniang Panlalawigan dahil sa kabila umano ng apela nito ay itinuloy pa rin ng mga ito ang pagtapyas sa kanilang badyet.