"Nagwala" ang mga netizen sa social media nang mapanood ang video ng ABS-CBN News kung saan makikitang tila hinarangan ng isang marshal o guard ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach si National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee sa Manila International Book Fair (MIBF) sa SMX Convention Center, Pasay City kamakailan.

Kitang-kita at hagip sa video na hinarangan ng marshal si Ricky matapos nitong kamayan at batiin si Pia, na nasa MIBF din para sa launching ng kaniyang isinulat na aklat na "Queen of the Universe: A Novel."

Makikitang inabot naman ni Pia ang kamay ni Ricky subalit hindi na ito nakahinto dahil humarang na nga ang marshal.

Palagay ng mga netizen, hindi nakilala ng guwardiya ang National Artist.

National

SP Chiz, pinatutsadahan si Guo: 'Wala siya sa lugar...'

Subalit pambabarda naman ng netizens kay Pia, sana man lamang daw ay huminto si Pia at sinabihan ang marshal na kilala niya ang kausap, at hindi lamang basta kilala kundi Pambansang Alagad ng Sining at kinikilala sa larangan ng panulat.

Narito ang komento ng mga nagpupuyos na netizens:

"For sure hindi kilala ng marshal si Lee pero sana napagsabihan man lang ni Pia?"

"Oh no, huwag sa National Artist huhuhu..."

"Mga walang galang!!!! Ito namang si Pia Wurtzback, mano man lang tumigil at nagbigay-galang! National Artist si Sir Ricky! At yung guard isa ka pa! Walang pakundangan mong hinawi si Sir Ricky!!!"

"Grabe yung hinawi lang si sir Ricky Lee. Unang una, may edad na sya, kung makahawi naman. Pngalawa, national artist sya! The disrespect!"

"Grabe, hinawi lang basta ang National Artist na si Ricky Lee."

"Sana man lang nainform yung guard..."

"Baka naman nagmamadali si Pia, huwag kayong judgmental. Nakita naman na she recognized Mr. Ricky Lee. Baka yung guard ang may problema."

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Pia tungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.