Magandang balita para sa mga Manilenyo na nais na mag-apply ng trabaho sa ibang bansa.
Ito’y matapos na ianunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Miyerkules na magdaraos ang Manila City Government ng "overseas mega job fair" sa SM Manila Activity Center (upper ground floor) sa Setyembre 29, 2023, araw ng Biyernes.
Ayon kay Lacuna, ang naturang job fair ay isasagawa dakong alas-10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Pinayuhan din ng alkalde ang mga interesadong job applicants na magsuot ng casual attire, magdala ng 10 kopya ng kanilang resumé at sariling ballpen.
“Arrive at least 30 minutes bago ang actual interview para relaxed na kayo at dapat kahit papano ay nakakain na kayo para di naman po kayo gutom habang iniinterview dahil minsan hindi tayo gumagana mabuti kapag gutom,” payo pa ng alkalde.
Ang nasabing aktibidad ay pangungunahan ng Public Employment Service (PESO) office ng Manila City Hall, sa pamumuno ni Fernan Bermejo.
Napag-alaman mula kay Lacuna na mula Enero 1 hanggang Setyembre 14, ang running total ng mga trabahong naipagkaloob sa mga unemployed na Manilenyo ay umabot na sa 18,801.
Sa naturang bilang, 4,229 ang hired on the spot; 6,613 ang mula sa placement report of employers at 2,950 ang nakakuha ng trabaho mula sa Joyride Philippines.