Muling nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa China na dapat magbayad ng bilyong halaga ng environmental damages sa West Philippine Sea (WPS) matapos kumpirmahin kamakailan ng Philippine Coast Guard ang pagkasira ng mga coral reef sa Rozul Reef at Escoda Shoal na dulot umano ng Chinese maritime militia vessels.
Inihain ng senador ang Senate Resolution No. 804 na kumukondena sa malawakang pag-aani ng coral at hinihimok ang naaangkop na Komite ng Senador na magsagawa ng pagtatanong tungkol sa insidente.
"We should seek payment for damages caused by China in the WPS. Aabot ng bilyon-bilyon ang makukuha natin kung mao-obligang magbayad ang Tsina. Ninanakawan na nga nila ng hanapbuhay ang ating mga mangingisda, winawasak pa nila ang ating likas-yaman. Kung mabayaran ng Tsina ang lahat ng utang niya sa Pilipinas, siguradong makakatulong ito sa kinakaharap nating krisis sa ekonomiya," ani Hontiveros.
"This will not be the first time for us to seek reparations. Japan paid our country for her destruction of Manila during World War II, and in more recent history, the United States of America also paid the Philippines P87 million, after the USS Guardian damaged Tubbataha Reef in the Sulu Sea. May karapatan tayong maningil," paliwanag pa ng senadora.
Nakasaad din sa resolusyon na hindi maaaring hayaan lang ng gobyerno ang patuloy na pinsala sa kapaligiran, ekonomiya, at seguridad na dulot ng mga paglusob ng China, at dapat gumawa umano ng paraan upang panagutin ito.
"Our 2016 Arbitral Award clearly invalidated China's sweeping and expansive claims in the WPS. This is a case we won because of our dogged commitment to abide by international law and uphold the truth. It is only right that we pursue all options to make China pay," saad ni Hontiveros.