20 priority bills ni Marcos, maipapasa sa Disyembre
Bago matapos ang 2023, maipapasa na ang isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na 20 panukalang batas.
Ito ang isinapubliko ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa isang panayam kasunod ng ikatlong Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacañang nitong Miyerkules.
“Mayroon pong additional, idinagdag po ng ating economic team and we committed to support this as well. Wala po kaming nakikitang controversial,” anang senador.
“Wala po kaming nakikitang magbibigay perwisyo sa ating mga kababayan. ‘Yan ang kagandahan nitong mga LEDAC meeting na ito. Nakikita po namin, ng ating Pangulo, and it is in line to help the Filipino people, lalo na sa ating mahihirap na kababayan,” pagdidiin ni Zubiri.
Tinukoy nito ang mga idinagdag sa LEDAC list na kinabibilangan ng amyenda sa Government Procurement Reform Act, Excise Tax on Single-Use Plastics, Amendments to the Cooperative Code, Amendments to the Fisheries Code, sa New Government Auditing Code, Rationalization of the Mining Fiscal Regime, at sa Philippine Defense Industry Development Act.
Isinama rin sa listahan ang Philippine Maritime Zones Act, Open Access in Data Transmission Act, at Amendments to the Right-of-Way Act.
Aniya, halos kalahati na ng ipinanukalang 20 priority measures ni Marcos ang natapos na ng Senado.