Sa halip na mga artista, larawan ng sariling guro ang itinampok na cover sa notebook ng isang estudyante mula sa Balagtas, Bulacan.

Makikita sa Facebook post ng Grade 8 Science teacher na si MarkGil Valderama, 40, ang larawan ng kaniyang kapwa guro at Grade 10 MAPEH teacher na si Leinbert Cruz sa notebook ng estudyante nito.

“Kung hindi ganito ang Science notebook ninyo, sa’kin, huwag na kayo mag-notebook ha..haha.. ,” hirit ni Valderama sa kaniyang mga estudyante sa kaniyang post na umabot na sa 440 shares.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Valderama na magkatabi lamang sila ng mesa ni Cruz sa kanilang faculty room sa Gat Francisco Balagtas High School.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kaya naman, noong Setyembre 13 daw nang biruin siya ni Cruz na kunyaring nagpapatulong na mag-judge kung alin sa notebook ng mga estudyante nito ang pinakamaganda.

“Sabi niya ‘patulong naman po sir papili kung sino o alin ang pinakamagandang notebook, magbibigay ako ng award eh.’ So seryoso po akong namili, noong bandang dulo po, napansin ko may picture, tapos natawa po ako kasi picture niya ang nandoon. ‘Yun pala, nangti-trip siya, gusto niya lang po makita ko ‘yung cover ng notebook ng student niya,” natatawang kuwento ni Valderama.

“Sabi namin bigatin na siya kasi mga artista ‘yung normal na cover ng notebook, kalinya na niya ‘yung mga sikat na artista,” saad pa niya.

Sinabi naman daw ng estudyante na nais niyang matuwa ang kaniyang guro kaya’t ginamit niya ang larawan nito bilang cover ng kaniyang notebook.

“15 years na po ako in service, ngayon lang po ako naka-experience ng ganiyang cover ng notebook. Natuwa po si Sir Leinbert sa bata..😊,” ani Valderama.

Naisip naman daw niyang kunan ng larawan ang nakakatuwang notebook at i-post ito sa Facebook upang makahikayat umano ng mga estudyante na mag-enrol, at upang makahikayat din ng mga taon maaaring mag-donate sa kanilang paaralan.

“Public school lang po kasi kami, hindi namin ma-provide lahat ng needs ng students namin,” ani Valderama.

“Loving po talaga ang students ng GAT FRANCISCO..😊❤️,” saad pa niya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!