Itinanggi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil na mayroon silang “troll farms” o “troll armies.”

Sinabi ito ni Garafil sa gitna ng isinagawang budget deliberations ng Senado, nitong Lunes, Setyembre 18, hinggil sa panukalang ₱1.92 bilyong pondo ng PCO para sa 2024.

"For the record, Mr. Chair, wala po kaming troll. No troll farm, no troll army," ani Garafil.

Nabuksan ang isyu ng trolls sa naturang pagdinig matapos ihayag ni Senador Joseph Victor "JV" Ejercito ang pag-imbestiga ng mga senador noong nakaraang kongreso hinggil sa mga ulat na ginagastos umano ang pondo ng publiko sa mga troll.

PBBM admin, maglulunsad ng Digital Media Literacy drive vs fake news

Binanggit din ni Ejercito na mayroon umanong 1,479 contractual employees na pinaghihinalaang ginamit bilang trolls na nagpapakalat ng maling mga impormasyon sa social media.

"Mr. Chair, mayroon lang po kaming 363 employees sa PCO," saad naman ni Garafil.

"As you can see kami rin naging biktima at patunay na nagiging biktima ng fake news," dagdag pa niya.

Samantala, ayon pa kay Garafil, mula nang umupo raw siya sa posisyon noong nakaraang taon ay isa na raw sa mga prayoridad ng PCO ay ang puksain ang mga maling impormasyon.

Binanggit din niya ang paglulunsad umano nila ng media information literacy program upang labanan ang “fake news” sa bansa.