Muling inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes, Setyembre 19, na posible pa ring makamit ng bansa ang ₱20 kada kilo ng bigas.
Sa isang panayam na iniulat ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Marcos na may tiyansang maipatupad ang mababang presyo ng bigas kapag naging normal at “stable” na umano ang sektor ng agrikultura at presyo ng produksyon sa bansa.
“May chance lagi ‘yan,” anang Pangulo. “Kung maaayos natin ang production natin at maging maayos, hindi na tayo masyadong bagyuhin at ‘yung mga tulong na ibinibigay natin sa mga farmer ay magamit na nila.”
Ayon pa kay Marcos, may mga nangyayari umano sa labas ng Pilipinas na direktang nakaaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa, at nag-uudyok sa pamahalaan at sa merkado na mag-adjust.
“Ngunit, kapag talaga nagawa natin ang cost of production, binaba natin, ay bababa rin ang presyo ng bigas. Bababa rin lahat. Basta’t mas mataas ang ani kahit na pwede nating ipagpantay ang presyo,” ani Marcos.
Samantala, binigyang-diin ng Pangulo na ginagawa na umano ng pamahalaan ang lahat ng remedyo upang matiyak na abot-kaya pa rin ang presyo ng mga pangunahing pagkain sa pamilihan.
Binanggit din ni Marcos ang pagtatakda ng National Food Authority (NFA) Council, na kaniyang pinamumunuan, ng “buying price” para sa mga tuyo at sariwang palay sa layon umanong matulungang kumita ang mga magsasaka.
“So, ‘pag naging mas normal na ang sitwasyon, malaking pag-asa talaga natin na ibababa natin ang presyo ng bigas,” saad pa ni Marcos.