Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na tuluy-tuloy ang pagpapailaw na ginagawa nila sa lungsod para na rin sa kaligtasan ng mga motorista at mga pedestrians.

Ang pagtiyak ay ginawa ng alkalde nang pangunahan ang streetlighting activity sa Quirino Avenue nitong Lunes ng gabi.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kasama ni Lacuna sa naturang aktibidad sina City Engineer Armand Andres, Vice Mayor Yul Servo, City Electrician Randy Sadac, Chairman Jaime Adriano at iba pang opisyal.

Ayon kay Lacuna, ang kahabaan ng Quirino Avenue mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue ay inilawan nila bilang tugon sa mga kahilingan ng mga residente at mga barangay officials na nakakasakop ng nasabing lugar.

"Napakadilim po kasi dito at marami sa ating mga kababayan, lalo na ang mga  barangay officials na nakakasakop, ay talagang hiling na sana lumiwanag dito," aniya pa, sa isang maikling mensahe, sa aktibidad.

Sinabi naman ni Andres na ang lugar ay pinailawan ng 70 sets ng 27-talampakang steel lamp posts.

Sakop aniya nito ang 10 barangay at may sukat ito na 965 metro kuwadrado.

Aniya pa, “ito na ang katuparan ng inyong kahilingan dahil sa masinop na pag-aalaga ng pondo ng inyong pamahalaan.”

Binigyang-diin pa niya na ang maliwanag na lugar ay pabor sa mga motorista at mga pedestrian, dahil iniiwasan ito ng mga kriminal.

Kaugnay nito, hinikayat naman ng alkalde ang mga residente at mga opisyal ng barangay na ingatan ang mga poste at ilaw at tiyaking laging gumagana at ligtas sa lahat ng uri ng bandalismo.

"Pakiusap po namin sa inyo... ito ay pinaghirapan nating lahat kaya sana ay panatilihin nating maliwanag ang parteng ito.  'Wag kayong mag- alala dahil uunti-untiin natin ang kahabaan ng Quirino," ayon pa sa alkalde.

Pinasalamatan niya rin ang mga katuwang ng pamahalaang lungsod sa private sector, lalo na ang Manila Electric Company (Meralco), sa kanilang patuloy na suporta.

Tiniyak naman ni Lacuna sa mga residente na ang kanilang pamahalaang lungsod ay patuloy sa pagkakaloob ng pinamakamahusay na serbisyo at may panawagan sa kanila na tumulong sa administrasyon na maisakatuparan ang mga programa patungong sa nalalapit na 'Magnificent Manila'.