Likas na mahiyain daw talaga ang ’Drama King’ na si Dennis Trillo pero tila taliwas ito sa kaniyang mga ina-upload na video sa TikTok.

Kuwento ni Dennis sa kaniyang panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Setyembre 15, ilang taon din daw siya bago nakumbinsing mag-TikTok.

National

Bagyong Carina, nakalabas na ng PAR -- PAGASA

“Noong una medyo nahihiya pa rin ako. Tiningnan ko ‘yung trending, kung ano ‘yung puwede kong gayahin dahil para kang nagsu-surf eh ‘di ba kailangan makita mo ‘yung magagandang alon, magagandang waves na sasabayan mo. Hindi naman ako sumasayaw saka hindi rin ako masyadong mahilig magpa-cute kaya ginagawa ko na lang ‘yung mga nakakatawang [videos],” anang aktor.

Matapos nito natanong siya ng TV host kung paano niya ginagawang mag-TikTok.

“Kapag ginagawa mo ‘yung mga TikTok mo, mag-isa ka lang?”

“Mag-isa lang dahil hindi ko kaya nang may manonood. Halimbawa may tao sa kuwarto, ‘labas ka muna diyan mag-TikTok lang ako saglit,’” ani Dennis.

“Hindi ko kayang panoorin nila para mas maganda ‘yung magawa ko,” dagdag pa niya.

Habang isinusulat ito, mayroon nang 1.1 milyong followers ang aktor sa kaniyang TikTok account.