Pormal nang pinasinayaan nitong Lunes ang bagong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) National Capital Region (NCR) Regional Office sa Greenhills, San Juan City.
Ang naturang inagurasyon sa naturang bagong tanggapan ng Comelec na matatagpuan sa G1 building sa Greenhills, San Juan City, ay pinangunahan nina Comelec Chairman George Erwin Garcia, San Juan Mayor Francis Zamora, Cong. Bel Zamora, at mga city officials.
Dumalo rin sa naturang aktibidad sina Comelec Commissioners Rey Bulay, Ernesto Ferdinand Maceda at Nelson Celis, gayundin si Regional Director Jubil Surmieda at mga election officers mula sa Metro Manila, para saksihan ang ribbon cutting, office blessing, at contract signing sa pagitan ng dalawang partido.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Comelec NCR Regional Election Director Jubil Surmieda na, “Today, we celebrate another milestone as we officially welcome everyone. To Mayor Zamora and the City Government of San Juan, thank you for shepherding this office from concept to construction a reality.”
Sa kanyang panig, pormal namang winelcome ni Zamora ang Comelec sa lungsod. “Sa araw na ito, kami ay nagpapasalamat sapagkat natuloy na po ang pormal na inagurasyon ng inyong tanggapan na para sa amin ay malaking karangalan. This is an honor for us of seeing major government agencies transferring to the city. Dahil nasa geographic center ito ng Metro Manila, magiging madali po para sa ating mamamayan lalo pag filing certificates of candidacy, nasa gitna na po ng Metro Manila ang inyong tanggapan.”
“Sa lahat sa Pilipinas, napakaraming local Comelec na walang tahanan. Minsan nasa ilalim ng hagdan, minsan tumutulo ang CR sa taas, minsan makeshift lamang. Talagang kaawa-awa.
Kung kaya naman sobrang tuwa ng buong pamunuan ng Comelec nung malaman natin na pinagpupursigehan na ang paglipat ng regional office papunta dito sa San Juan. Ang nagpursige dyan ay ang kanilang butihing ama (former Cong. Ronny Zamora). Nandito tayo sa mismong puso ng NCR at napakamatulungin na LGU. Yung tahanan na matagal na nating ninanais sa NCR, nandito na. Napakamakabago at nandito pa sa puso ng San Juan sa Greenhills,” ayon naman kay Garcia.
Nabatid na ang apat na palapag na gusali ay isa sa pinakamalaki at pinakabagong local government facilities sa lungsod, sa sukat na 3,000 metro kuwadrado.
Bukod sa Comelec, na matatagpuan sa ikatlong palapag ng gusali, dito rin ilalagay ang iba pang tanggapan ng ahensiya ng gobyerno, gaya ng San Juan Bureau of Fire at Brgy. Greenhills Barangay Hall.
Mayroon din itong wooden basketball court sa ikaapat na palapag at isang open deck na may garden.
Ang dating tanggapan ng Comelec ay matatagpuan sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila.