Nasa 32.68% o 5,743 sa 17,576 examinees ang pumasa sa August 2023 Criminologist Licensure Examination, ayon sa Professional Regulation Commission (PRC) nitong Martes, Setyembre 19.
Sa inilabas na resulta ng PRC, kinilala si Jericson Balaba Jalagat mula sa Ramon Magsaysay Memorial College – Marbel bilang topnotcher matapos siyang makakuha ng 90.15% score.
Hinirang naman bilang top performing school ang King’s College of the Phils Inc. – Benguet matapos itong makakuha ng 88.89% passing rate.
Isinagawa umano ang naturang pagsusulit mula Agosto 25 hanggang 27, 2023 sa mga testing center sa National Capital Region (NCR), Baguio, Butuan, Cagayan de Oro, Calapan sa Oriental Mindoro, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legazpi, Lucena, Pagadian, San Fernando sa Pampanga, Tacloban, Tuguegarao, Zamboanga, Antique, Bacolod, Bohol, Cauayan sa Isabela, Dumaguete, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kidapawan, Occidental Mindoro, Naga, Palawan, Valencia, at munisipalidad ng Rosales at Bayambang sa Pangasinan.
Ayon pa sa PRC, nakatakdang isagawa sa pamamagitan ng online ang pagpaparehistro para sa issuance ng Professional Identification Card (ID) at Certificate of Registration sa Nobyembre 3, Nobyembre 6 hanggang 10, at Nobyembre 13 hanggang 15, 2023.