Isa sa hot topics na napag-usapan nina Ogie Diaz at co-hosts na sina Mama Loi at Ate Mrena ang tungkol sa isinampang kasong kriminal ng social media broadcasters sa mag-jowa at hosts ng "It's Showtime" na sina Vice Ganda at Ion Perez, kaugnay pa rin ng "icing issue" sa segment na "Isip Bata," at bilang pagsuporta umano sa hakbang ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB laban sa kanila.
MAKI-BALITA: Vice Ganda, Ion sinampahan daw ng kasong kriminal ng ‘socmed broadcasters’
Para kay Ogie, sa totoo lang daw, ngayon lang daw niya narinig na may "Kapisanan ng mga Social Media Broadcasters sa Pilipinas" kaya nagulat din siya sa mga nangyari.
Biro pa nga ni Ogie ay tila nagtatampo siya sa kapisanan dahil ang tagal na raw nila sa vlogging ay hindi man lamang sila inalok na maging miyembro.
Tanong ni Ogie sa samahan ay kung simula raw ba nang maitatag ito, mayroon na bang naparusahang mga "trolls" na nagkakalat ng maling impormasyon at nambabash sa social media?
Nabanggit din ang umano'y pulong ng kapisanan kay MTRCB Chair Lala Sotto. Dahil dito ay nadagdagan ang pambabash sa kaniya lalo na't kainitan pa rin ng isyu hinggil sa suspensiyon ng It's Showtime.
Ang isang miyembro daw nito na si dating senador Joey Lina ay nagsabi at tila ipinagmalaki pa ang pagkakaibigan nila ng tatay ni Lala na si dating senate president Tito Sotto III, na isa sa hosts ng karibal na show ng It's Showtime, ang "E.A.T."
Tila na-connect the dot daw ito ng mga netizen kaya kasamang nababash ang dating senador.
Para kay Ogie, kawawa naman daw si Titosen dahil sa pangmamalisya ng mga netizen at pilit na iniuugnay sa naganap na desisyon ng MTRCB sa noontime program, gayundin sa pagsasampa ng kaso ng socmed broadcasters laban sa magjowang Vice Ganda at Ion Perez.
"Nagkakaroon tuloy ng kulay na may kinalaman pa rin si Lala Sotto, o si Tito Sotto doon sa pagfa-file ng complaint," giit ni Ogie.
Sey naman ni Mama Loi, baka kaya binanggit ni Lina na kaibigan niya si Sotto ay upang unahan na ang ibang mga netizen na magbibigay-malisya sa hakbang nila laban sa dalawang hosts. Baka ito raw ay paraan ng dating senador upang linawin na walang kinalaman ang kaibigan sa pagsasampa nila ng kaso.
Reaksiyon naman dito ni Ogie, mukhang lalo raw tuloy nadiin si Titosen dahil sa nangyari.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Tito Sotto kaugnay nito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.