Nagpahayag si dating Senador Kiko Pangilinan hinggil sa nakumpiskang P42 milyong halaga ng smuggled rice sa Zamboanga City.

Sa kaniyang X account nitong Lunes, Setyembre 18, sinabi ni Pangilinan na dapat ay mag-group chat o mag-usap ang Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs, at National Food Authority (NFA) para mahuli ang mga smuggler at hoarder ng bigas.

National

Marcos, nagtakda ng rice price ceilings nationwide

“Simple lang. Sino nag i-issue ng import permit? DA. Sino nag i-inspect kung tama ba ang volume ng rice imports? Customs. Sino halos 50 years ang may alam ng warehouse ng bigas sa buong bansa at mga may ari nito? NFA. Mag group chat lang sila huli ang smuggler at hoarder,” anang dating senador.

Sa ulat ng Manila Bulletin noong Setyembre 15, nasa mahigit 42,000 sako ng Alas Jasmine Fragrant rice ang nakumpiska ng BOC sa Barangay San Jose Gusu, Zamboanga City. Umaabot sa P42 milyon ang halaga ng mga ito.

Noong Agosto, isiniwalat din ng ahensya na pinasok nila ang tatlong warehouse sa Bulacan dahil sa umano’y pag-iimbak ng smuggled rice na may halagang P505 milyon.

Kaugnay nito matatandaan na nagtakda si Pangulong Bongbong Marcos ng price ceiling sa bigas sa buong bansa sa gitna ng nakaaalarmang pagtaas ng presyo nito sa merkado.

Maki-Balita: Marcos, nagtakda ng rice price ceilings nationwide