Hindi nalalayo ang karanasan ni Alex Layda o kilala bilang “Teacher Dawn” sa danas ng marami. Bago siya maging guro, dumaan din muna siya sa sala-salabid na ruta ng buhay.

Pero bukod sa pagiging guro, content creator din si Teacher Dawn. Sa kasalukuyan, mayroon siyang mahigit 89k followers sa Facebook. Samantala, mahigit 112k naman sa kaniyang TikTok account. Binibitbit niya ang karunungan lampas sa apat na sulok ng classroom. Nagbibigay siya ng payo at gabay sa mga kapuwa niya guro para mas mapaunlad pa ang kanilang trabaho. Gaya halimbawa ng video niyang “5 Things I Would Never Do As A Teacher” na ngayon ay may mahigit 1 milyong views na.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ikinuwento ni Teacher Dawn ang kaniyang naging journey. Inamin niya na wala umano sa sulok ng kaniyang guni-guni ang maging guro. Kung may gusto man siyang gawin sa buhay, iyon ay ang mga bagay na may kinalaman sa creative industry.

“Pero dahil maaga kaming naulila, at wala naman kaming pera para pantustos sa pag-aaral, maaga kaming nagkahiwa-hiwalay ng mga kapatid ko para magtrabaho. Simula elementary, namasukan na akong ‘boy’ sa isang family na kumupkop sa akin noong bata pa ako. Naging helper nila ako: tagalinis ng bahay, yaya, tagaluto, taga-igib ng tubig, tagapag-alaga ng mga hayop, at naging construction worker din ako pagdating ko ng high school.”

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ayon kay Teacher Dawn, ginawa niya ‘yon lahat dahil sa kagustuhang makapag-aral. Sa katunayan, nagsilbi pa siyang waiter sa isang bar na kakarampot magpasuweldo.

“After high school nag-stop muna ako ng 2 years para magtrabaho bilang waiter sa isang bar. Pero tumigil din ako sa pagiging waiter kasi laging puyatan at ₱150 lang sinasahod ko every night.”

Pagkatapos umanong umalis sa pinasukang bar, naging bahagi si Teacher Dawn ng simbahan. At tila gumawa ang Diyos ng paraan upang mapalapit siya sa tao na makakatulong sa kaniya na baguhin ang kaniyang kapalaran.

“‘Yong Parish Priest namin na si Fr. Jade, inalok ako na mag-aral ng Educ. Kaya ayun, hindi ako nagdalawang isip na sunggaban ang opportunity na ‘yon. Kasi, hindi lahat nabibigyan ng chance na mag-aral sa college nang libre. And I believe, that becoming a teacher was not something that I chose. It chose me and I fell in love with it over time.”

At ngayon, halos isang dekada nang guro si Teacher Dawn. Nagsimula siyang magturo noong 2013. Noong taon ding iyon, nakuha niya ang kaniyang lisensiya bilang guro.

Nang tanungin naman si Teacher Dawn tungkol sa pagiging content creator, sinabi niyang kahit siya, hindi inakalang papasukin ang masukal na bakuran ng social media. Ni hindi nga umano siya mahilig mag-Facebook, Twitter, o Instagram dahil sayang lang sa oras.

“Pero habang tumatagal, nare-realize ko na puwede pala talagang magamit ang social media bilang space for influencing people. Especially noong may mga sumisikat na mga vloggers at influencers. Kaya na-inspire ako, sabi ko, ‘Gusto ko rin maging ganyan’ (naks!).”

Ang kaso, hindi niya alam kung saan at paano magsimula. Kaya ibinalik na lang niya ang buong atensiyon sa pagtuturo.

Hanggang sa dumating ang pandemya. 2020. Ang naisip na i-content ni Teacher Dawn, gagawan niya ng logo ang pangalan ng mga mapipiling followers niya sa TikTok. Nag-enjoy naman daw siya dahil mahal niya ang graphic designing. Pero kalaunan, napagod siya. Nakaramdam umano na parang hindi sapat ang natatanggap ng mga audience niya mula sa kaniyang content.

“So I stopped creating that type of content and in 2022 I shifted to creating educational videos because I feel that being a teacher in real life, should also radiate the same sa mundo ng social media. Kumbaga, ‘yong identity ko bilang guro ay dapat aligned at consistent siya sa klase ng content na nilalagay ko sa social media. Because that’s where I find most value in.”

Problema o solusyon, ano nga ba?

Dahil ang pagkilala sa sakit ay bahagi ng paghilom, tinanong ng Balita si Teacher Dawn kung ano ang nakikita niyang struggle ng maraming teacher ngayon na sa huli ay nagiging ugat ng problema:

“In my case, I saw that many of our teachers in the country don’t have the “luxury” of access to materials, training and workshops that will help them develop professionally. Lalo na sa classroom management, teaching strategies, learning assessments at iba pang mga trainings na huhubog sa kanila. Minsan gusto nilang umattend ng seminar kaso walang budget dahil may kamahalan, o kaya naman ay sobrang malayo.”

Samantala, kung itinuturing ng marami na problema at perwisyo ang dala ng social media, taliwas ito sa pananaw ni Teacher Dawn. Dahil para sa kaniya, ito ang mismong solusyon sa nabanggit niyang problema sa itaas.

“Dito ko talaga napatunayan na sobrang powerful ng social media, dahil nakita ko mismo first hand kung paano nito binago ang buhay ko in terms of learning and improving myself. Kaya ako gumagawa ng educational contents for my fellow teachers dahil naisip ko na, “if they can’t go to seminars because they don’t have the budget for it; or, because it’s too far, Facebook and Tiktok is always available for them. That many of us may not be able to afford to go to a seminar, but most of us can afford to have access to social media and learn from there through short-form videos.”

Kaya ngayong National Teachers’ Month, may iniwan siyang mensahe hindi lamang para kaniyang mga kapuwa guro kundi pati sa pamahalaan.

“Katulad ng lagi kong sinasabi ko sa videos ko, ‘The best way to learn is by having a Learning Mindset’. Instead of asking, ‘Why do I have to learn this?’. The question becomes, ‘What else can I learn from this? How can this help me improve?’.

“Para sa akin, ito ang pinakamahalagang elemento ng pagkatuto - ang ating mindset. Kaya sa mga kapwa ko teachers, huwag po tayong tumigil sa pagtuklas at pagkatuto. Ang mundo ay patuloy na nagbabago, kaya dapat tayo rin. Let us not get tired of embracing newness in the educational landscape.”

“At sa pamahalaan, maraming salamat sa inyong serbisyo. Pero panahon na para mas maitaas pa natin ang kalidad ng edukasyon sa bansa. At hindi ito mangyayari kung hindi natutuganan nang husto ang propesyunal, mental, at emosyunal, (at pinansyal) na pangangailangan ng mga teachers. Let us establish a Coaching Institute for Teachers, for their continuous professional development. Alam kong kaya natin ito. Happy Teachers’ Month sa lahat ng teachers at teaching figures out there!”

Ibinahagi rin ni Teacher Dawn ang isa sa pinakamalaking lesson at realization na napulot niya sa pag-pagitan ng panahon bilang guro at content creator:

“‘Teaching is a lifelong learning and relationship building’. Ang pagiging teacher ay katulad din ng pagiging content creator. Both have the same goal of connecting to your audience and building a unique relationship with them, and learning with them.

“At ito ay panghabambuhay dahil ang mga bagay na itinuro at natutuhan natin ay naisasabuhay at naipapasa sa iba. That’s why I take advantage of the opportunity of reaching out to people who might just need my content to change their lives. And for this, I am forever grateful for the platform that my audience gave me to build a community of teachers.”

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!