Nagtipon-tipon ang mga artista para isakatuparan ang Eddie Garcia Bill sa Quezon City kamakailan.

Makikita sa Facebook post ni Senator Robinhood Padilla ang mga larawan kasama sina Coco Martin, Vhong Navarro, Tirso Cruz III, Bembol Roco, Jhong Hilario, at marami pa. Tinawag itong “Kosmos: Pagtitipon ng mga Bituin”.

Samantala, pinasalamatan naman ni Senator Jinggoy Estrada ang kaniyang kapuwa senador para sa inisyatibong pag-organisa ang nasabing pagtitipon.

“Masaya at makabuluhang pagsasama-sama ng mga artista para talakayin ang mga probisyon ng Eddie Garcia Law para lalong sumigla ang Industriya ng Pelikula at Telebisyon sa ating bansa. Maraming salamat Senator Robin Padilla sa pag organisa at sa mga artistang dumalo, salamat po sa suporta 🙏,” pahayag ni Jinggoy sa caption ng kaniyang Facebook post noong Biyernes, Setyembre 15.

Sen. Robinhood Padilla, nami-miss ang aksiyon at pelikula

Matatandaang kamakailan lang din ay nabanggit ni Padilla sa kaniyang Facebook post ang ginagawa niyang pag-aaral para sa kasunod umanong pagdinig sa nasabing panukalang batas.

Ang Eddie Garcia Bill ay naglalayong protektahan ang mga manggagawa sa industriya ng telebisyon at pelikula mula sa abuso, pananamantala, at delikadong working environment.

Ipinangalan ang nasabing panukalang batas sa yumaong batikang aktor na si Eddie Garcia na ang naging sanhi umano ng pagkamatay ay bali sa leeg na dulot ng pagkakatapid sa nakakalag na kable sa set.