Posibleng makaranas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Setyembre 18, dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at localized thunderstorms, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, ibinahagi ni Weather Specialis Obet Badrina malaki ang tiyansang magdulot ng pag-ulan ang ITCZ sa malaking bahagi ng Mindanao.
Pagdating naman sa Luzon at Visayas, mga isolated o pulo-pulong pag-ulan, pagkidlat o pagkulog ang posibleng maranasan.
“Inaasahan pa rin natin na posibleng medyo mainit pa rin sa tanghali habang mas malaki ang tiyansa ng mga localized thunderstorm sa hapon hanggang sa gabi,” ani Badrina.
“Kaya mainam na magdala pa rin tayo ng mga pananggalang sa ulan,” dagdag pa niya.
Samantala, sa kasalukuyan ay wala umanong binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine are of responsibility (PAR).
Dahil dito, ayon kay Badrina, maliit ang tiyansang magkaroon ng bagyo ang bansa sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.