Umarangkada na ang libreng sakay ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa mga kawani ng gobyerno nitong Lunes, Setyembre 18, 2023.
Ito’y bilang pakikiisa ng mga naturang rail lines sa pagdiriwang ng 123rd Philippine Civil Service Anniversary.
Nabatid na magtatagal ang libreng sakay hanggang sa Setyembre 20, 2023.
Maaari itong i-avail ng mga government employees tuwing peak hours ng operasyon ng linya o mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, at mula alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.
“Nagsimula na ang LIBRENG SAKAY ng MRT-3 para sa mga kawani ng gobyerno ngayong araw, ika- 18 ng Setyembre 2023,” abiso ng MRT-3.
“Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Philippine Civil Service Anniversary, ihahandog ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang libreng sakay sa LRT-2 mula September 18 hanggang 20 sa mga sumusunod na oras: 7:00 AM hanggang 9:00 AM; 5:00 PM hanggang 7:00 PM,” ayon naman sa LRT-2.
Nabatid na kinakailangan lamang magpakita ng valid government ID upang makatanggap ng LIBRENG SAKAY.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa EDSA, mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay City habang ang LRT-2 naman ang siyang nag-uugnay sa Recto, Manila hanggang Antipolo City.