Kumonsulta raw sa isang abogado ang showbiz columnist-entertainment vlogger na si Ogie Diaz upang malaman kung kadema-demanda ba talaga ang "icing incident" nina Vice Ganda at Ion Perez sa noontime program nilang "It's Showtime."

MAKI-BALITA: Vice Ganda, Ion sinampahan daw ng kasong kriminal ng ‘socmed broadcasters’

Matatandaang nagsampa ng kasong kriminal ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas laban sa mag-jowa dahil daw sa "indecent acts" na ipinakita ng dalawa sa segment na "Isip Bata."

Kaya nais malaman ni Ogie kung may basis bang legal ito at puwedeng gumulong bilang kaso. Humingi siya ng professional opinion sa matagal nang abogadong si Atty. Juanito R. Lim Jr. o "Atty. Jun Lim" ng Lim and Yutatco-Sze Law Firm kung may nilabag bang batas sina Vice Ganda at Ion Perez sa nabanggit na icing incident.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nilinaw ng attorney na hindi niya titingnan ang senaryo dahil kinasasangkutan ito ng mga sikat na personalidad, kundi magbabatay lang sa mga nangyari.

"'Di umano, ang demanda laban kay Vice at kay Ion ay violation ng Article 201 of the Revised Penal Code in relation to section 6 of RA 10175 or yung Cybercrime Prevention Act of 2012."

"Ano ba ito? Ang article 201 po, it refers to immoral doctrines, obscene publications and executions, and indecent shows. At ayon sa demanda, ito ay pinalala pa dahil gumamit ng internet o information technology sa pagpapakalat ng panooring ito.

"Sa madaling salita, ang ikinaso kay Vice ay pagpapakita, o pagpapalaganap ng malaswang panoorin sa paggamit at sa pagggamit pa ng information technology."

Bilang abogado raw, naniniwala si Atty. Lim na hindi nilabag ng mag-jowa ang nabanggit na batas. Hindi raw naman kasi indecent o imoral ang pagkain ng icing ng cake, kagaya ng ginawa ng dalawa. Ang gawang ito raw ay hindi naman labag sa batas.

"Bilang abogado po, ako ay naniniwala, na hindi nilabag ni Vice at Ion ang nasabing batas. Ang pagkain ng icing sa cake in itself is not indecent or immoral per se. Ang gawang ito ay hindi naman labag sa batas. Sa kaayusan sa publiko, sa moralidad, sa mabuting kaugalian, mga polisiya o mga legal na kautusan," aniya.

Maaaring sa tingin daw ng mangilan-ngilan na ito ay mahalay, pero hindi raw ibig sabihin ay krimen na ito. Maaaring "sila-sila" lang daw ang nagbigay ng malisya kina Vice Ganda at Ion Perez.

Napatanong tuloy ang abogado kung sasampahan din ba nila ng kaso kung sakaling hindi sikat na personalidad ang gumawa nito, isang "babae at lalaki," o kaya naman ay isang politiko?

Bilang panghuli, sinabi pa ng abogado na "The last time I checked, we still live in a democratic country. So huwag po nating takutin ang ilan nating mga kababayan ng mga demanda dahil nagpahayag sila ng mga paniniwala nila. Huwag natin silang gantihan sa mga paraan na nagdudulot ng takot din sa taumbayan. Mali po ito."

Sa pananaw ng abogado, hindi karapat-dapat kasuhan si Vice at mukhang madidismiss daw ang kasong ito.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang social media broadcasters na nagsampa ng kasong kriminal laban kina Vice Ganda at Ion Perez hinggil sa mga naging pahayag ni Atty. Lim.