Niyanig ng magnitude 4.1 na lindol ang probinsya ng Davao de Oro nitong Lunes ng madaling araw, Setyembre 18, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan dakong 4:49 ng madaling araw.
Namataan ang epicenter nito 4 kilometro ang layo sa timog-silangan ng New Bataan, Davao de Oro, na may lalim na 2 kilometro.
Naitala ang Instrumental Intensity III sa Nabunturan, Davao de Oro.
Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.
Hindi rin umano inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.