Inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes na tuloy ang pagdaraos ng 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Negros Oriental.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ibinasura ng Commission En Banc ang kahilingan ng ilang lokal na opisyal sa lalawigan na ipagpaliban muna ang halalan doon.
Gayunman, isasailalim aniya ng Comelec sa kanilang control ang Negros Oriental sa panahon ng halalan sa Oktubre 30.
Nauna rito, siyam na alkalde ng lalawigan ang nanawagan na ipagpaliban muna ang naturang eleksiyon, bunsod na rin nang political violence na naganap doon, partikular na ang pagpatay kay Governor Roel Degamo at siyam na iba pa sa loob mismo ng kanyang tahanan noong Marso 4.
Sa imbestigasyon naman sa Senado, nabunyag din ang iba pang insidente ng karahasan at harassment umano sa lalawigan, sanhi upang imungkahi rin ng mga senador ang pagpapaliban ng halalan doon, at pagsasailalim sa lalawigan sa military o Comelec control.
Noong Hunyo naman, nagtungo ang Comelec sa lalawigan upang magdaos ng public consultations hinggil sa panukala.