Kinubra na ng isang 78-anyos mula sa Bulacan ang kaniyang milyun-milyong premyo nang mahulaan niya ang winning numbers sa Super Lotto 6/49 na binola noong Hulyo 27.
Sa ulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes, Setyembre 18, kinubra ng lucky winner ang premyo nitong P93,693,905.40 noong Agosto 2.
Matagumpay niyang nahulaan ang winning combination na 42-12-25-05-19-18 ng Super Lotto.
Ayon sa panayam ng ahensya sa Bulakenya, random lang niyang pinili ang mga numero na mahigit isang dekada na niyang ginagawa. Dagdag pa niya, balak nitong magkaroon ng negosyo para sa kaniyang mga anak.
“Salamat sa Panginoon. Hiling ko talaga ito sa Panginoong Diyos, pinagdarasal ko na patamain niya ako. Maraming salamat PCSO!” anang lucky winner.
Mismong si PCSO Assistant General Manager for Administrative Sector Julieta Aseo ang nag-abot ng cheke sa Bulakenya.
Muling paalala ng PCSO na ang lahat ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% buwis, sa ilalim ng TRAIN Law.
Ang lahat naman ng mga premyong hindi makukubra, mula sa araw nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa Charity Fund ng PCSO.
Binobola ang Super Lotto tuwing Martes, Huwebes, at Linggo.