Tinatayang 55% ng mga Pilipino ang naniniwalang bubuti ang estado ng kanilang pamumuhay sa susunod na anim na buwan, ayon sa OCTA Research nitong Lunes, Setyembre 18.
Sa inilabas na “Tugon ng Masa” survey ng OCTA, 36% naman ang naniniwalang hindi magbabago ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa susunod na anim na buwan, habang 4% naman ang nagsabing lalala pa ang kanilang pamumuhay.
Nasa 5% naman umano ang nagsabing hindi nila alam kung bubuti ba o lalala ang kanilang pamumuhay sa susunod na anim na buwan.
Ayon sa OCTA, bahagyang tumaas ang “optimism” ng mga Pinoy hinggil sa pagbuti ng uri ng pamumuhay kung ikukumpara sa datos noong Marso, 2023.
“Optimism regarding the quality of life of adult Filipinos slightly increased by one percentage point since March 2023 from 54% to 55%,” anang OCTA.
Isinagawa umano ang nasabing survey mula Hulyo 22 hanggang 26 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Pinoy sa bansa na may edad 18 pataas.